Ikinaila ni Pedro si Hesus
54 Dinakip nila si Hesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. 55 Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. 56 Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, "Kasamahan din ni Hesus ang lalaking ito!"
57 Ngunit itinanggi ito ni Pedro, "Babae, hindi ko siya kilala."
58 Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, "Kasamahan ka rin nila, di ba?"
"Aba, hindi!" sagot ni Pedro.
59 Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, "Totoong kasamahan din ni Hesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya."
60 Ngunit sumagot si Pedro, "Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!" At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, "Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako." 62 Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.