Pular para o conteúdo
Publicidade

Lucas 24

Ang Nangyari sa Daan na Patungong Emaus

13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad si Hesus na naglalakad papuntang Emaus, isang nayon na may 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang. 15 Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon, lumapit sa kanila si Hesus at nakisabay sa paglalakad. 16 Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin.

17 Tinanong sila ni Hesus, "Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?"

Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha. 18 Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, "Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan."

19 Nagtanong si Hesus sa kanila, "Bakit, ano ang mga nangyari?"

At sumagot sila, "Ang nangyari kay Hesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Diyos at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya. 20 Inakusahan siya ng mga pinuno namin at ng mga namamahalang pari upang mahatulang mamatay. At ipinako siya sa krus. 21 Umasa pa naman kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang patayin siya. 22,23 Ngunit nagulat kami sa ibinalita sa amin ng ilang babaeng kasamahan namin na maagang pumunta kanina sa libingan. Hindi nila nakita ang bangkay ni Hesus, pero nakakita raw sila ng mga anghel na nagsabing buháy si Hesus. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming lalaki at nakita nila na wala nga roon ang bangkay, gaya ng sinabi ng mga babae."

25 Sinabi sa kanila ni Hesus, "Mga mangmang kayo! Napakahirap ninyong maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi baʼt ang Mesias ay kailangang magtiis ng lahat ng ito bago siya parangalan ng Diyos?" 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa kanya, mula sa mga isinulat ni Moises hanggang sa mga isinulat ng mga propeta.

28 Nang malapit na sila sa Emaus na pupuntahan nila, nagkunwari si Hesus na magpapatuloy sa kanyang paglalakbay. 29 Ngunit pinigil nila siya, at sinabi, "Dito na muna po kayo tumuloy sa amin, dahil palubog na ang araw at dumidilim na." Kaya sumáma siya sa kanila.

30 Nang kakain na sila, kinuha ni Hesus ang tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Noon din ay nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Hesus. Ngunit bigla siyang nawala sa kanilang paningin. 32 Sinabi nila, "Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan."

33 Noon din ay bumalik sila sa Jerusalem. Nadatnan nilang nagtitipon ang labing-isang alagad at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Pinag-uusapan nilang, "Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Pedro." 35 Ikinuwento naman ng dalawang galing Emaus ang nangyari sa kanila sa daan, at kung paano nila nakilala si Hesus nang paghahati-hatiin niya ang tinapay.

Veja também