31 Sinabi pa ni Hesus, "Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? 32 Katulad sila ng mga batang nakaupo sa palengke at sinasabi sa kanilang kalaro:
‘Tinugtugan namin kayo ng masayang tugtugin,
pero hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng awit ng pagluluksa
pero hindi kayo umiyak!’
33 Sapagkat noong dumating si Juan na Tagapagbautismo ay nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian siya ng demonyo.’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, at nakita ninyo siyang kumakain at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ 35 Ganoon pa man, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa buhay ng mga sumusunod rito."7:35 Sa literal, Ngunit ang karunungan ay napatutunayan ng kanyang mga anak.
Binuhusan ng Pabango si Hesus
36 Inanyayahan si Hesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta nga si Hesus at umupo para kumain. 37 Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabangong nasa sisidlang alabastro.