Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw
16 "Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ito ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17 Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag. 18 Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, sapagkat ang taong nakikinig nang mabuti ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi nakikinig, kahit ang akala niyang naunawaan niya ay kukunin pa sa kanya."