Sinugo ni Hesus ang Labindalawa
1 Isang araw, tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. 2 Pagkatapos, sinugo niya sila para mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. 3 Sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, pagkain, pera o bihisan. 4 Kapag tinanggap kayo sa isang bahay, doon kayo makituloy hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 At kung ayaw kayong tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa mga paa nʼyo bilang babala sa kanila." 6 Pagkatapos noon, umalis ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Nangaral sila ng Magandang Balita at nagpagaling ng mga may sakit sa ibaʼt ibang lugar.