Nagpalayas si Hesus ng Demonyo
21 Pumunta sina Hesus sa bayan ng Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at doon ay nagturo si Hesus. 22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan. 23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamáng espiritu ang biglang nagsisigaw: 24 "Ano ang pakay mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na Sugo ng Diyos!"
25 Ngunit sinaway ni Hesus ang masamang espiritu, "Tumahimik ka at lumabas sa kanya!" 26 Pinangisay ng masamáng espiritu ang tao, at sumigaw ito habang lumalabas.
27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, "Anong bagong aral ito? May kapangyarihang utusan ang mga masasamáng espiritu at sumusunod sila!" 28 At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Hesus sa buong Galilea.