14 Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tiatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay lila, at sumasamba siya sa Diyos. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, "Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay." At nakumbinsi niya kami.