Publicidade

Êxodo 1

Inapi ang mga Israelita sa Ehipto

1 Ito ang mga anak na lalaki ni Jacob na sumáma sa kanya sa Ehipto, kasama ang kanilang mga pamilya:

2 sina Ruben, Simeon, Levi, Juda,

3 Isacar, Zebulun, Benjamin,

4 Dan, Neftali, Gad, at Asher.

5 Ang bilang ng lahat ng lahi ni Jacob na sumáma sa kanya sa Ehipto ay pitumpu. Si Jose ay matagal nang nasa Ehipto.

6 Dumating ang panahong namatay si Jose, ang lahat ng kanyang kapatid, at ang buong henerasyon nila, 7 ngunit palaanak ang mga Israelita kaya mabilis na dumami at lumakas ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, halos mapuno nila ang buong lupain ng Ehipto.

8 Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, "Tingnan ninyo! Ang mga Israelita ay higit na marami at malakas kaysa sa atin. 10 Kaya kailangang tuso ang pakikitungo natin sa kanila upang hindi na sila dumami pa. Kung magkaroon ng digmaan, baka kumampi sila sa mga kaaway natin at lalabanan tayo upang makaalis sila sa bansa natin."

11 Kaya inilagay sila sa ilalim ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses upang magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon. 12 Ngunit habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at kumakalat sa Ehipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Ehipto sa mga Israelita. 13 Dahil dito, walang awa nilang pinagtrabaho ang mga ito. 14 Naging mahirap ang buhay ng mga Israelita dahil sa mabibigat nilang trabaho na paggawa ng tisa at pangsemento nito, at ng ibaʼt ibang gawain sa bukid. Sa mabibigat nilang gawain ay walang awa silang pinagtrabaho ng mga Ehipsiyo.

15 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Ehipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua, 16 "Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin." 17 Ngunit dahil may takot sa Diyos ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.

18 Kaya ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga kumadrona at tinanong, "Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?"

19 Sumagot sila, "Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Ehipsiyo; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila."

20 Kaya pinagpala ng Diyos ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita. 21 At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Diyos, binigyan sila ng Diyos ng sarili nilang pamilya.

22 Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng kanyang mamamayan, "Itapon ninyo sa Ilog Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, ngunit pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-