1 "Ibukod mo sa mga tao si Aaron at ang mga anak niyang lalaki na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 2 Magpatahi ka ng banal na damit para sa kapatid mong si Aaron, upang maparangalan siya. 3 Sabihin mo sa lahat ng mahuhusay na mananahi na binigyan ko ng kakayahang manahi na itahi nila ng damit si Aaron na magbubukod sa kanya sa mga tao upang makapaglingkod siya sa akin bilang pari. 4 Ito ang mga damit na tatahiin nila: ang pektoral, ang efod, ang damit-panlabas, ang damit-panloob na binurdahan, ang turban at ang sinturon. Itatahi rin nila ng banal na mga damit ang mga anak na lalaki ni Aaron upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 5 Gagamit sila ng lanang ginto, asul, ube at pula, at pinong lino.
6 "Gagawin nila ang efod gamit ang lanang ginto, asul, kulay ube at pula, at hinabing pinong lino. At paburdahan mo ito sa mahuhusay na mambuburda. 7 May dalawang parte ito, likod at harapan, at pinagdudugtong ng dalawang tirante sa may balikat. 8 Ang sinturon nito ay gawa sa hinabing pinong lino na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula.
9 "Magpakuha ka ng dalawang batong onise at iukit mo rito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Jacob. 10 Dapat sunod-sunod ang paglalagay ng mga pangalan ayon sa kanilang kapanganakan, at anim na pangalan ang ilalagay sa bawat bato. 11 Dapat iukit ito kagaya ng pag-ukit ng platero sa pantatak. Pagkatapos, ilagay ang bato sa balangkas na ginto, 12 at ikabit ito sa tirante ng efod bilang mga alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel. Sa pamamagitan nito, palaging madadala ni Aaron ang pangalan nila sa presensya ko, at aalalahanin ko sila. 13 Ang balangkas na ginto ay 14 palagyan mo ng dalawang mala-kuwintas na tali na purong ginto upang maikabit sa may balikat ng damit.
15 "Magpagawa ka ng pektoral na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Panginoon. Kailangang maganda ang pagkakagawa nito, at ang tela nitoʼy katulad ng tela ng efod: hinabing pinong lino na may lanang ginto, asul, kulay ube at pula. 16 Ang bulsa na nasa dibdib ay dapat nakatupi nang doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 17 Palagyan ito ng apat na hanay ng mga mamahaling bato. Sa unang hanay, ilalagay ang rubi, topaz at beril; 18 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 19 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista, 20 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onise at haspe. Ilagay ang mga bato sa balangkas na ginto. 21 Dapat ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak na lalaki ni Jacob bilang kinatawan sa labindalawang lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
22 "Palagyan din ng mala-kuwintas na tali na purong ginto ang pektoral. 23 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit ito sa ibabaw ng dalawang sulok ng pektoral. 24 Isuot sa parang singsing na ito na nasa dalawang sulok ng pektoral ang dalawang mala-kuwintas na taling ginto, 25 at ang dalawang dulo naman ng mala-kuwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng efod. 26 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ipasok ito sa ilalim ng mga gilid ng pektoral na nakapatong sa efod. 27 Magpagawa ka pa ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit mo ito sa efod sa may bandang sinturon. 28 Pagkatapos, talian ninyo ng asul na panali ang mga pang-ilalim na parang singsing na ginto sa efod. Sa pamamagitan nito, maikakabit nang maayos ang pektoral sa efod, sa itaas ng sinturon.
29 "Kung papasok si Aaron sa Banal na Lugar, kailangang suot niya ang pektoral sa dibdib na may pangalan ng mga lahi ng Israel upang alalahanin ko silang palagi. 30 Ilagay sa pektoral ang Urim at Tumim upang naroon ito sa bulsa ni Aaron kapag pupunta siya sa aking presensya upang malaman ang kalooban ko para sa mga Israelita.
31 "Ang damit-panlabas na napapatungan ng efod ay kailangang purong asul 32 at may butas sa gitna para sa ulo. At kailangang lagyan ng butas ang parang kuwelyo upang hindi ito mapunit. 33 Sa palibot ng laylayan, magpagawa ka ng mga palamuting parang prutas na pomegranata, na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula, at mga kampanilyang ginto sa pagitan ng mga ito. 34 Magkasalit ang mga kampanilyang ginto at ang mga palamuting pomegranata sa palibot ng buong laylayan. 35 Kailangang isuot ito ni Aaron kapag papasok siya sa Banal na Lugar upang maglingkod sa aking presensya, upang marinig ang tunog ng mga kampanilya kung papasok at lalabas si Aaron sa Banal na Lugar. Kung gagawin niya ito, hindi siya mamamatay.
36 "Magpagawa ka ng palamuti na purong ginto at paukitan mo ito ng mga salitang: Ibinukod para sa Panginoon. 37 Itali mo ito sa harap ng turban ni Aaron sa pamamagitan ng asul na panali, 38 upang makita ito sa kanyang noo. Ipinapakita nito na dadalhin ni Aaron ang kahit anong kasalanang nagawa ng mga Israelita sa paghahandog nila sa Panginoon. Lagi itong ikakabit ni Aaron sa kanyang noo upang matuwa ang Panginoon sa mga mamamayan.
39 "Ang damit-panloob ni Aaron ay kailangang pinong lino, ganoon din ang kanyang turban at ang sinturon na binurdahan ng maganda. 40 Magpatahi ka rin ng mga damit-panloob, mga sinturon, at mga turban para sa mga anak ni Aaron para sa ikararangal nila.
41 "Ipasuot mo ang mga damit sa kapatid mong si Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at pagkatapos, buhusan mo sila ng langis at ordinahan. Italaga mo sila sa akin upang makapaghandog sila sa akin bilang mga pari.
42 "Ipatahi mo rin sila ng mga pang-ilalim na damit na gawa sa lino na tatakip sa kanyang kahubaran. Ang haba nitoʼy mula sa baywang hanggang sa hita. 43 Kailangan nila itong isuot kapag papasok sila sa Tabernakulo, o kapag lalapit sila sa altar ng Banal na Lugar sa paglilingkod bilang mga pari, upang hindi sila masilipan at mamatay.
"Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ni Aaron at ng kanyang salinlahi magpakailanman.