Publicidade

Êxodo 30

Ang Altar na Pagsusunugan ng Insenso

1 "Magpagawa ka ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. 2 Kailangang kuwadrado ito, labingwalong pulgada ang haba at ang lapad, at tatlumpuʼt anim na pulgada ang taas. Kailangan ding may parang sungay sa mga sulok nito na kaisang piraso ng altar. 3 Balutin mo ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid, at ang parang sungay sa mga sulok nito. At lagyan mo ito ng hinulmang ginto sa palibot. 4 Palagyan ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, upang pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito. 5 Gumawa ka ng tukod na gawa sa kahoy ng akasya at balutan ito ng ginto. 6 Ilagay mo ang altar na ito sa harap ng tabing na nakatakip sa Kahon ng Kasunduan at sa takip ng Kahon, ang takip ng kapatawaran, kung saan ako makikipagkita sa inyo.

7 "Tuwing umaga, kapag mag-aasikaso si Aaron ng mga ilaw, magsusunog siya ng mabangong insenso sa nasabing altar. 8 At sa dapit-hapon, kapag magsisindi siya ng ilaw, magsusunog siyang muli ng insenso. Dapat itong gawin araw-araw sa aking harapan ng susunod pang mga henerasyon. 9 Huwag kayong mag-aalay sa altar na ito ng ibang insenso, o kahit anong handog na sinusunog, o handog pangkapayapaan, o handog na inumin. 10 Isang beses sa bawat taon, kailangang gawin ni Aaron ang seremonya para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa altar sa pamamagitan ng pagpapahid ng dugo sa parang mga sungay na sulok nito. Ang dugong ipapahid ay galing sa handog para sa kasalanan. Dapat itong gawin taon-taon maging ng mga susunod pang henerasyon, sapagkat ang altar na ito ay napakabanal dahil itinalaga ito para sa akin."

11 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 12 "Kapag isesensus mo ang mga mamamayan ng Israel, ang bawat mabibilang ay magbabayad sa akin para sa buhay niya, upang walang kapahamakang dumating sa kanya habang binibilang mo sila. 13 Ang ibabayad ng bawat isang mabibilang mo ay isang maliit na pilak ayon sa pamantayan ng Tabernakulo. (Ang timbang nito ay dapat anim na gramo.) Ibibigay nila ito bilang handog sa akin. 14 Ang lahat ng may edad na dalawampu pataas ang maghahandog nito sa akin. 15 Hindi magbabayad ng sobra ang mga mayayaman, at hindi magbabayad ng kulang ang mga mahihirap kapag maghahandog kayo sa akin upang ipantubos sa inyong mga buhay. 16 Tanggapin mo ang pantubos na bayad na ito mula sa kanila at gamitin mo para sa mga pangangailangan sa Tabernakulo. Ang bayad na ito ng mga Israelita ay pantubos sa kanilang buhay, at sa pamamagitan nitoʼy aalalahanin ko sila."

Ang Plangganang Hugasan

17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 18 "Gumawa ka ng tansong planggana na tanso rin ang patungan, upang gamiting hugasan. Ilagay mo ito sa gitna ng Tabernakulo at ng altar, at lagyan ito ng tubig. 19 Ito ang gagamitin ni Aaron at ng mga anak niya sa paghuhugas ng mga kamay at paa nila. 20 Sa tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan, kailangan nilang maghugas upang hindi sila mamatay. Gayundin, sa tuwing lalapit sila sa altar para mag-alay sa akin ng handog na pagkain sa akin, 21 kailangan nilang maghugas ng mga kamay at paa nila upang hindi sila mamatay. Ito ay tuntuning panghabang-panahon na dapat sundin ni Aaron at ng angkan niya hanggang sa susunod pang mga henerasyon nila."

Ang Langis na Pamahid

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 23 "Kumuha ka ng sumusunod na pinakamaiinam na mga sangkap: anim na kilong mira, tatlong kilo ng mabangong sinamon, tatlong kilong asukal, 24 anim na kilong kasia (kailangan ang bigat nitoʼy ayon sa pamantayan ng Tabernakulo) at isang galong langis ng olibo. 25 Sa pamamagitan nito, makakagawa ka ng banal na mabangong langis na pamahid. 26 At wisikan mo ng langis na ito ang Tabernakulo, ang Kahon ng Kasunduan, 27 ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pinagsusunugan ng insenso, 28 ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, at ang planggana kasama ang patungan nito. 29 Italaga mo ang mga bagay na ito upang maging napakabanal ang mga ito. At ang lahat ng hahawak sa mga ito ay magiging banal.

30 "Buhusan mo rin ng langis si Aaron at ang mga anak niya at italaga sila upang makapaglingkod bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ito ang aking banal na langis ng pagtatalagang gagamitin hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon. 32 Huwag nʼyo itong ipapahid sa ordinaryong mga tao, at huwag nʼyo rin itong gawin para sa mga sarili nʼyo lang. Banal ito, kaya ituring nʼyo rin itong banal. 33 Ang sinumang gagawa ng langis na ito o gagamit nito sa sinumang hindi pari ay huwag na ninyong ituring na kababayan."

Ang Insenso

34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, "Kumuha ka ng magkakaparehong dami ng mababangong sangkap: estakte, onika, galbano at purong insenso. 35 Sa pamamagitan ng mga ito, gumawa ka ng napakabangong insenso. Pagkatapos, lagyan mo ng asin upang maging puro ito at banal. 36 Dikdikin nang pino ang iba sa mga ito at iwisik sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nasa Tabernakulo, kung saan ako makikipagkita saʼyo. Ituring ninyo ang insensong ito na napakabanal. 37 Huwag kayong gagawa ng mga insensong ito para sa inyong sarili. Ituring nʼyo itong banal para sa Panginoon. 38 Ang sinumang gagawa nito upang gagamiting pabango ay huwag na ninyong ituring na kababayan."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-