Publicidade

Êxodo 36

1 Sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain ang siyang gagawa ng Tolda ayon sa utos ng Panginoon."

2 Kaya ipinatawag ni Moises sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain na desididong tumulong sa pagtatrabaho. 3 Ibinigay ni Moises sa kanila ang lahat ng inihandog ng mga Israelita para sa pagpapatayo ng Tolda. At patuloy pa rin ang kusang-loob na pagdadala ng mga tao ng mga handog nila tuwing umaga. 4 Kayaʼt iniwan ng mga manggagawa na gumagawa sa lahat ng mga gawain sa Tolda ang kanilang mga ginagawa. 5 Nagpunta sila kay Moises at ibinalita, "Sobra na sa kinakailangan ang dinadala ng mga tao para sa gawaing iniutos ng Panginoon na gawin."

6 Kaya ipinadala ni Moises ang utos na ito sa buong kampo: "Huwag na kayong maghandog para sa pagpapatayo ng Tolda." Kaya tumigil na ang mga tao sa pagdadala ng mga handog nila, 7 dahil sobra-sobra na ang ibinigay nila para sa lahat ng gawain.

Ang Pagpapatayo ng Tabernakulo

8 Ang lahat ng pinakamahusay na mga manggagawa ang gumawa sa Tabernakulo. Ang ginamit nilaʼy sampung piraso ng tabing na gawa sa hinabing pinong lino at lanang asul, ube at pula na binurdahan ng kerubin ng mga mahuhusay na mambuburda. 9 Magkakasukat ang lahat ng mga tabing, apatnapuʼt dalawa talampakan ang haba at anim na talampakan ang lapad. 10 Pinagdudugtong-dugtong nila ito ng tiglilima. 11 Ginawan nila ng parang singsing na gawa sa telang asul ang pinakadulong gilid ng bawat pinagdugtong na tabing, 12 limampung parang singsing sa isang tabing at limampu rin sa isa pa, at ang mga ito ay kailangang magkatapat sa isaʼt isa. 13 Gumawa rin sila ng limampung kawit na ginto upang mapagkabit ang parang mga singsing sa dalawang pinagdugtong na tabing. Sa pamamagitan nito, naging buo ang Tabernakulo.

14 Kaya gumawa sila ng talukbong para sa Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 15 May haba na apatnapuʼt limang talampakan ang bawat tela at may anim na talampakan ang lapad. 16 Pinagdugtong-dugtong nila ang limang tela, at ganoon din ang ginawa nila sa natirang anim. 17 Nilagyan nila ng limampung parang singsing ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 18 at ikinabit nila ang limampung tansong kawit.

19 Ang ibabaw ng talukbong nito ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.

20 Pagkatapos, gumawa sila ng balangkas ng Tolda. Ang ginamit nila ay tabla ng akasya. 21 Ang haba ng bawat tabla ay labinlimang talampakan at dalawang talampakan ang lapad. 22 Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa upang maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 23 Ang dalawampu sa tablang ito ay ginamit nila na pangbalangkas sa timog na bahagi ng Tolda. 24 Ang mga tabla ay isinuksok nila sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla. 25 Ang hilagang bahagi ng Tolda ay ginamitan din ng dalawampung tabla, 26 at isinuksok din sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla. 27 Ang kanlurang bahagi ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 28 at dalawang tabla sa mga gilid nito. 29 Ang mga tabla sa sulok ay naikabit nang maayos mula sa ilalim hanggang sa itaas sa pamamagitan ng isang argolya. Ganito rin ang ginawa nila sa dalawang tabla sa mga sulok. 30 Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa labing-anim na patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla.

31 Gumawa rin sila ng mga akasyang biga, lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 32 lima rin sa bahaging timog, at lima rin sa bahaging kanluran, sa likod ng Tolda. 33 Ang biga sa gitna ng balangkas ay inilagay nila mula sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo nito. 34 Binalutan nila ng ginto ang mga tabla at nilagyan ng gintong argolya na siyang humahawak sa mga tabla. Binalutan din nila ng ginto ang mga biga.

35 Gumawa rin sila ng kurtina na mula sa hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At maayos na nabuburdahan ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa rin sila ng apat na haligi ng akasya na may mga kawit na ginto, at ikinabit nila roon ang kurtina. Ang apat na haligi ay nakasuksok sa apat na patungang pilak. 37 Para sa pintuan ng bakuran, nilagyan nila ng tabing na gawa sa lanang asul, ube at pula at hinabing pinong lino. At binurdahan ng mambuburda. 38 Gumawa rin sila ng limang haligi na may mga kawit, at ikinabit nila rito ang kurtina. Ang mga haliging itoʼy nababalutan ng ginto pati na ang mga ulo at baras nito, at nakasuksok ito sa limang patungang tanso.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-