Publicidade

Êxodo 39

Ang mga Damit ng mga Pari

1 Tumahi rin sina Bezalel ng banal na mga damit para sa mga pari na gagamitin nila kung silaʼy maninilbihan sa Banal na Lugar. Ang telang ginamit nila ay lanang kulay asul, ube at pula. Ito rin ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit ni Aaron ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Espesyal na Damit ng mga Pari

2 Nagtahi rin sila ng efod ng mga pari. Ang telang ginamit nila ay hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 3 Gumawa sila ng sinulid na ginto sa pamamagitan ng pagpanday sa ginto at paghahati-hati rito nang manipis. Pagkatapos, ibinurda nila ito sa pinong lino, kasama ng lanang kulay asul, ube at pula. Napakaganda ng pagkakaburda nito. 4 May dalawang parte ang damit na ito, sa likod at harap, at pinagdudugtong ito ng dalawang tirante sa may balikat. 5 Ang sinturon nito ay gawa sa hinabing pinong lino na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

6 Ikinabit nila ang mga batong onise sa balangkas na ginto. Inukitan nila ito ng pangalan ng mga anak ni Jacob gaya ng pagkakaukit sa pantatak. 7 Ikinabit nila ito sa mga tirante ng efod bilang mga alaalang bato para sa lahi ng Israel. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Pektoral

8 Gumawa rin sila ng pektoral at napakaganda ng pagkakagawa nito. Ang tela nitoʼy katulad din ng tela ng efod: hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang gintong sinulid, lanang kulay asul, ube at pula. 9 Ang bulsa na nasa dibdib ay nakatupi ng doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 10 Inilagay nila rito ang apat na hanay ng mamahaling mga bato. Sa unang hanay nakalagay ang rubi, topaz, at beril; 11 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 12 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista; 13 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onise at haspe. Inilagay nila ito sa balangkas na ginto. 14 Ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa labindalawang lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.

15 Nilagyan nila ng mala-kuwintas na tali na purong ginto ang pektoral. 16 Gumawa rin sila ng dalawang balangkas na ginto at dalawang parang singsing na ginto sa ibabaw ng mga sulok ng pektoral. 17 Isinuot nila ang dalawang mala-kuwintas na taling ginto sa dalawang parang singsing sa mga sulok ng pektoral, 18 at ang dalawang dulo naman ng mala-kuwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng efod.

19 Gumawa rin sila ng dalawa pang parang mga singsing na ginto at isinuot ito sa ilalim ng mga gilid ng pektoral na nakapatong sa efod. 20 Gumawa pa rin sila ng dalawa pang parang singsing na ginto at ikabit nila ito sa efod sa may bandang sinturon. 21 Pagkatapos, tinahi nila ng asul na panali ang ilalim ng mga parang singsing sa pektoral at ang mga parang singsing sa efod. Sa pamamagitan nito, mapapagdugtong nang maayos ang mga parang singsing sa pektoral at sa efod, sa itaas ng sinturon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Iba pang Damit ng mga Pari

22 Ginawa nila ang balabal ng efod gamit ang hinabing lana na purong asul, 23 at may butas sa gitna para sa ulo. Hinabi ang palibot ng butas na ito na parang kuwelyo upang hindi ito mapunit. 24 Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 25 Gumawa rin sila ng mga kampanilya na purong ginto at inilagay ang mga ito sa laylayan ng damit sa pagitan ng mga palamuting parang prutas na pomegranata. 26 Magkasalit ang mga kampanilyang ginto at ang mga palamuting pomegranata sa palibot ng laylayan ng balabal at itoʼy isusuot ng pari kapag naglilingkod siya. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

27 Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Hinabing pinong lino ang tela na kanilang ginamit. 28 Ganito rin ang telang ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit. 29 Ang mga sinturon ay gawa rin sa hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 Gumawa sila ng palamuting purong ginto at iniukit nila ang mga salitang ito, katulad ng pagkakaukit sa pantatak: Ibinukod para sa Panginoon. 31 Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Pagsusuri ni Moises sa Natapos na Gawain

32 Natapos ang lahat ng gawain sa Tabernakulo na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 33 Ipinakita nila kay Moises ang Tabernakulo at ang lahat ng kagamitan nito:

ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, patungan,

34 ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina;

35 ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat;

36 ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos;

37 ang ilawang purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw;

38 ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda;

39 ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito,

ang planggana at ang patungan nito;

40 ang mga kurtina ng bakuran at ang mga haligi at mga patungan nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Tabernakulo na tinatawag ding Toldang Tipanan; 41 at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.

42 Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. 43 Tiningnan ni Moises ang trabaho nila, at nakita niya na ginawa nilang lahat iyon ayon sa iniutos ng Panginoon. Kaya binasbasan sila ni Moises.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-