1 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mamamayan ng Israel hanggang sa makarating sila sa ilang ng Sin, na nasa gitna ng Elim at ng Sinai. Nakarating sila roon sa ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan mula nang lumabas sila sa Ehipto. 2 Doon sa ilang, nagreklamo ang lahat ng mga Israelita kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, "Mabuti pang pinatay na lang kami ng Panginoon sa Ehipto! Doon, kahit papaanoʼy nakakakain kami ng karne at ng lahat ng pagkain na gusto namin. Ngunit dinala nʼyo kami rito sa ilang upang patayin kaming lahat sa gutom."
4 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, "Makinig ka! Magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit para sa inyo. Bawat araw, mangunguha ang mga Israelita ng pagkain nila para sa araw na iyon. Sa ganitong paraan, masusubok ko kung susundin nila ang mga utos ko. 5 Sabihin mo sa kanila na doblehin nila ang kukunin nilang pagkain tuwing ikaanim na araw ng bawat linggo."
6 Kaya sinabi nila Moises at Aaron sa lahat ng mga Israelita, "Ngayong gabi, malalaman ninyo na ang Panginoon ang naglabas sa inyo sa Ehipto, 7 at bukas ng umaga, makikita ninyo ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Sapagkat narinig niya ang mga reklamo ninyo. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?" 8 Sinabi pa ni Moises, "Bibigyan kayo ng Panginoon ng karne na kakainin ninyo sa gabi at bubusugin niya kayo ng tinapay sa umaga, dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo sa kanya. Ngunit sino ba naman kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon."
9 Sinabi nina Moises at Aaron, "Sabihin ninyo sa buong mamamayan ng Israel na lumapit sila sa harapan ng Panginoon dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo."
10 Habang nagsasalita si Aaron sa buong mamamayan ng Israel, tumingin sila sa ilang at nakita nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ulap.
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 12 "Narinig ko ang pagrereklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila, ‘Sa pagsapit ng gabi, kakain sila ng karne at sa umaga namaʼy magpapakabusog sila sa tinapay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon na inyong Diyos.’ "
13 Nang sumapit na ang gabi, dumagsa ang mga pugo at napuno nito ang buong kampo. Kinaumagahan, nabalot ng hamog ang buong kampo. 14 Nang mawala ang hamog, may nakita silang maliliit na bagay sa lupa na puting-puti. 15 Hindi nila alam kung ano ito kaya nagtanungan sila, "Ano kaya iyan?"
Sinabi ni Moises sa kanila, "Iyan ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin. 16 Sinabi ng Panginoon na ang bawat isa sa inyoʼy mag-ipon nito ayon sa inyong pangangailangan; mga isang salop bawat tao."
17 Kaya nanguha ang mga Israelita ng mga pagkaing ito; marami ang kinuha ng iba habang ang iba naman ay kaunti lang. 18 Nang takalin nila ito, isang salop ang nakuha ng bawat tao. Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang. Tamang-tama lang ang nakuha ng bawat isa.
19 Sinabi ni Moises sa kanila, "Walang magtitira nito para sa susunod na araw."
20 Ngunit ang iba sa kanilaʼy hindi nakinig kay Moises at nagtira sila para sa susunod na araw. Ngunit inuod ito at nangamoy. Kaya nagalit si Moises sa kanila.
21 Tuwing umaga, nangunguha ang bawat isa ayon sa kanyang kailangan. At kapag uminit na, natutunaw ang pagkaing hindi nila nakukuha. 22 Sa ikaanim na araw, doble ang kanilang kinukuha, mga dalawang salop bawat tao. Kaya pumunta ang mga pinuno ng mamamayan kay Moises at ibinalita iyon sa kanya. 23 Sinabi ni Moises sa kanila, "Iniutos ng Panginoon na magpahinga kayo bukas dahil Araw ng Pamamahinga, na banal na araw para sa Panginoon. Kaya lutuin ninyo ang gusto ninyong lutuin, at ilaga ang gusto ninyong ilaga. Ang matitira ay ilaan upang bukas."
24 Kaya itinira nila ito para sa susunod na araw ayon sa iniutos ni Moises. At kinaumagahan, hindi ito nangamoy o inuod.
25 Sinabi ni Moises, "Kainin nʼyo iyan ngayon, dahil ngayon ang Araw ng Pamamahinga para sa Panginoon. Wala kayong makikita niyan ngayon. 26 Makakakuha kayo ng pagkaing ito sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sa araw na iyon, wala kayong makukuhang pagkain."
27 May mga tao pa ring lumabas upang manguha ng pagkain sa ikapitong araw, pero wala silang nakita. 28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, "Hanggang kailan ba susuwayin ng mga taong ito ang aking mga utos at bilin? 29 Alalahanin ninyo na binigyan ko kayo ng Araw ng Pamamahinga, kaya nga tuwing ikaanim na araw ay dinodoble ko ang pagkain ninyo. Manatili ang bawat isa sa bahay niya sa ikapitong araw; walang lalabas." 30 Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.
31 Tinawag na manna ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto ng kulantro, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot. 32 Sinabi ni Moises, "Ipinag-utos ng Panginoon na magtago kayo ng isang salop na manna para sa susunod pang mga henerasyon, upang makita nila ang pagkaing ibinigay ko sa inyo sa ilang nang inilabas ko kayo sa Ehipto."
33 Sinabi ni Moises kay Aaron, "Kumuha kayo ng sisidlan at lagyan ito ng isang salop na manna. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa harapan ng Panginoon para sa susunod pang mga henerasyon."
34 Sinunod ni Aaron ang iniutos ng Panginoon kay Moises. Inilagay niya ito sa Kahon ng Patotoo para maitago. 35 Kumain ang mga Israelita ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa makarating sila sa lupain ng Canaan.
36 (Ang pantakal ng manna ay ang omer na ang katumbas ay dalawang litro o ikasampung bahagi ng efa.)