1 Tinipon ni Moises ang buong mamamayan ng Israel at sinabi sa kanila, "Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 2 Sa loob ng anim na araw, gawin ninyo ang mga gawain ninyo, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil banal ang araw na ito at para ito sa Panginoon. Ang sinumang magtrabaho sa araw na ito ay papatayin. 3 Huwag kayong magsindi ng apoy sa inyong mga bahay sa Araw ng Pamamahinga."
4 Sinabi ni Moises sa buong mamamayan ng Israel, "Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 5 Maghandog kayo sa Panginoon mula sa mga ari-arian ninyo. Maghandog nang maluwag sa inyong puso ng mga:
"ginto, pilak, tanso,
6 lanang kulay asul, ube at pula, pinong lino,
telang gawa sa balahibo ng kambing,
7 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat,
kahoy na akasya,
8 langis ng olibo para sa ilaw,
mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso,
9 batong onise at iba pang mamahaling bato na ilalagay efod at sa pektoral.
10 "Lumapit ang lahat ng may kakayahang magtrabaho sa inyo at tumulong sa paggawa ng lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo:
11 "ang Tabernakulo at ang mga talukbong nito, mga kawit, mga tablang balangkas, mga biga, mga haligi at mga patungan;
12 ang Kahon ng Kasunduan at ang mga tukod na pambuhat, takip ng kapatawaran at kurtinang tabing nito;
13 ang mesa at ang mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, at ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos;
14 ang ilawan at mga kagamitan nito, ang mga ilaw at ang langis para sa ilawan;
15 ang altar na pagsusunugan ng insenso at ang mga tukod na pambuhat nito, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso,
ang kurtina ng pintuan ng Tolda;
16 ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang parilyang tanso, mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito,
ang tansong planggana at ang patungan nito;
17 ang mga kurtina sa mga dingding ng bakuran ng Tolda at ang mga haligi at mga patungan nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran;
18 ang mga tulos at mga lubid ng Tolda at ang mga kurtina sa palibot nito,
19 at ang banal na mga damit ni Aaron na pari at mga anak niyang lalaki, na isusuot nila kapag naglilingkod na sila sa Banal na Lugar."
20 Pagkatapos, umalis ang buong sambayanan ng Israel sa harapan ni Moises. 21 Dumating ang lahat ng taong naantig ang puso at nahimok ng kanyang espiritu, at dinala nila ang mga handog nila sa Panginoon para sa paggawa ng Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, at para sa damit ng mga pari. 22 Ang lahat ng gustong maghandog, lalaki man o babae ay nagdala ng mamahaling mga alahas; mga hikaw, mga kuwintas, mga pulseras at ibaʼt ibang klase ng gintong alahas. Dinala nila ang mga ginto nila bilang handog sa Panginoon. 23 May mga naghandog din ng lanang kulay asul, ube at pula, pinong lino, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at magandang klase ng balat. 24 Nagdala ang iba ng pilak o kaya naman ay tanso, at mga kahoy na akasya bilang handog sa Panginoon. 25 Nagdala naman ng mga lanang kulay asul, ube at pula, at pinong lino ang mga babaeng may kakayahang gumawa ng tela. 26 At ang mga babae namang mahusay gumawa ng tela mula sa balahibo ng kambing ay kusang-loob na ginawa nito. 27 Nagdala ang mga pinuno ng mga batong onise at iba pang mamahaling bato upang ilagay sa efod at sa pektoral. 28 Nagdala rin sila ng mga sangkap at langis ng olibo para sa ilaw, para sa langis na pamahid at pabango sa insenso. 29 Kaya ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, na gustong tumulong sa lahat ng gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises ay kusang-loob na nagdala ng mga handog sa Panginoon.
30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, "Pinili ng Panginoon si Bezalel, na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. 31 Pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa anumang gawain, 32 sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso; 33 sa paghuhugis ng mamahaling bato, sa paglililok ng kahoy, at lahat ng klase na gawang kamay. 34 Binigyan din siya ng Diyos, at si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan, ng kakayahang magturo sa iba ng mga nalalaman nila. 35 Binigyan sila ng Panginoon ng kakayahang gumawa ng lahat ng klase ng gawain: pag-uukit, pagdidisenyo, pagbuburda gamit ang pinong lino at ng lanang kulay asul, ube at pula at paghahabi. Kaya nilang gawin ang kahit anong klase ng gawain at napakahuhusay nilang gumawa.