Publicidade

Êxodo 29

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki Bilang mga Pari

1 "Ito ang gagawin mong pagtatalaga kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. 2 Kumuha ka rin ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay na walang pampaalsa. Makapal na tinapay na hinaluan ng langis ang lutuin mo, at manipis na tinapay na pinahiran ng langis. 3 Pagkatapos, ilagay mo ang mga tinapay sa basket at ihandog sa akin kasama ang batang toro at dalawang lalaking tupa. 4 Dadalhin mo sa may pintuan ng Tabernakulo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki, at gawin mo ang sinabi kong seremonya ng paghuhugas para maituring silang malinis. 5 Pagkatapos, ipasuot mo kay Aaron ang damit-panloob, ang damit-panlabas, ang efod, at ang pektoral. Itali mo nang mabuti ang efod gamit ang hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. 6 Ipasuot mo sa ulo niya ang turban, at ikabit sa harapan ng turban ang banal na korona. 7 Kunin mo rin ang langis at ibuhos ito sa ulo ni Aaron sa pagtatalaga sa kanya. 8 Palapitin mo ang mga anak niyang lalaki at pagsuotin sila ng damit-panloob. 9 Itali mo ang mga sinturon sa baywang nila at ilagay ang mga turban sa ulo nila. Magiging kanila ang pagkapari at itoʼy tuntuning panghabang-panahon.

"Sa pamamagitan nito, ordinahan mo si Aaron at ang mga anak niya.

10 "Dalhin mo ang batang toro sa harap ng Tabernakulo, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang kamay nila sa ulo nito. 11 Pagkatapos, katayin mo ang toro sa harapan ng Panginoon, sa may pintuan ng Tabernakulo. 12 Kumuha ka ng dugo nito at ipahid sa mga sungay ng altar, at ibuhos mo sa ilalim ng altar ang matitirang dugo. 13 Pagkatapos, kunin mo ang lahat ng taba ng lamang-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato pati ang mga taba nito, at sunugin ito sa altar. 14 Ngunit ang karne, balat at laman ng bituka nito ay dapat mong sunugin sa labas ng kampo bilang handog para sa kasalanan.

15 "Pagkatapos, kunin mo ang isa sa lalaking tupa at ipatong mo ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 16 Katayin ito, at iwisik ang dugo sa palibot ng altar. 17 Hiwa-hiwain mo ang tupa at hugasan ang mga lamang loob at paa, ipunin mo ito pati ang ulo at ang iba pang parte ng hayop. 18 Sunugin mo itong lahat sa altar bilang handog na sinusunog para sa akin bilang nakalulugod na samyo, isang handog na pagkaing inaalay sa Panginoon.

19 "Pagkatapos, kunin mo ang isa pang lalaking tupa, at ipatong ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 20 Katayin ninyo ito at kumuha ka ng dugo, at ipahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at ng mga anak niya, at sa mga kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwiwisik ang natirang dugo sa palibot ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at ihalo ito sa langis na pambuhos, iwisik ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa kanilang mga damit. Sa pamamagitan nito, maitatalaga si Aaron at ang mga anak niya, pati na ang mga damit nila.

22 "Pagkatapos, kunin mo ang taba ng tupa, ang matabang buntot, ang taba ng mga lamang-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato pati ang mga taba nito, at ang kanang hita. Ito ang tupang handog para sa pagtatalaga sa mga pari. 23 Kumuha ka sa basket ng mga tinapay na walang pampaalsa na inihandog sa akin: isang makapal na tinapay, isang maliit na tinapay na hinaluan ng langis ng olibo at isang manipis na tinapay. 24 Ipahawak mo itong lahat kay Aaron at sa mga anak niya, at itataas nila ito sa akin bilang mga handog na itinataas. 25 Kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar kasama ng mga handog na sinusunog. Ito ay handog na nakakalugod ang samyo sa akin. 26 Kunin mo rin ang dibdib ng tupa na inihandog sa pagtatalaga kay Aaron at itaas nʼyo ito sa akin bilang handog na itinataas. Ito ang magiging bahagi mo.

27 "Ialay mo rin sa akin ang mga parte ng tupang inihandog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niya, kasama na rito ang dibdib at hitang itinaas mo sa akin. 28 Sa tuwing maghahandog ang mga Israelita ng mga handog pangkapayapaan, dapat ganito palagi ang mga parte ng mga hayop na mapupunta kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki.

29 "Kapag namatay na si Aaron, ang mga banal na damit niya ay ibibigay sa mga anak niya upang ito ang isuot nila kapag silaʼy bubuhusan ng langis at oordinahan. 30 Ang mga angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari ang magsusuot ng mga damit na ito sa loob ng pitong araw kapag papasok siya sa Tabernakulo upang maglingkod sa Banal na Lugar.

31 "Kunin mo ang tupa na inialay sa pag-ordina at lutuin ang karne nito sa isang banal na lugar. 32 Kakainin ito ni Aaron at ng mga anak niya, kasama ang tinapay sa basket, doon sa pintuan ng Tabernakulo. 33 Sila lang ang makakakain ng karneng ito at tinapay na inihandog para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila nang inordinahan at itinalaga sila. Walang ibang maaaring kumain nito dahil banal ang pagkaing ito. 34 Kung may matirang pagkain, sa kinaumagahan dapat itong sunugin. Hindi ito dapat kainin, dahil itoʼy banal.

35 "Sundin mo ang iniuutos kong ito sa iyo tungkol sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Ang seremonya ng pag-ordina ay gagawin nang pitong araw. 36 Bawat araw, maghandog ka ng isang toro bilang handog para sa kasalanan upang maging malinis ang altar, at pagkatapos, buhusan mo ito ng langis para sa pagtatalaga nito. 37 Linisin mo ang altar at italaga ito araw-araw. Gawin mo ito nang pitong araw. Pagkatapos nito, ang altar ay magiging napakabanal, at ang sinumang humawak nito ay magiging banal.

Ang Araw-araw na mga Handog

38 "Dalawang tupa na isang taóng gulang ang ihandog mo sa altar araw-araw. 39 Isa sa umaga at isa sa dapit-hapon. 40 Sa paghahandog mo ng tupa sa umaga, maghandog ka rin ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis mula sa pinigang olibo. Maghandog ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin. 41 Sa paghahandog mo ng tupa sa dapit-hapon, ihandog mo rin ang mga nabanggit na harina at inumin. Ang handog na ito ay nakakalugod ang samyo sa akin.

42 "Ang handog na sinusunog na ito ay panghabang panahong iaalay ninyo hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Ihandog ninyo ito sa aking presensya, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan kung saan ako makikipagkita at makikipag-usap sa iyo. 43 Doon din ako makikipagkita sa mga Israelita, at magiging banal ito dahil sa aking kaluwalhatian.

44 "Kaya gagawin kong banal ang Tabernakulo at ang altar, at itatalaga ko si Aaron at ang mga anak niya sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 45 Maninirahan ako kasama ng mga Israelita at akoʼy magiging Diyos nila. 46 Malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Diyos na naglabas sa kanila mula sa Ehipto upang makapanirahan akong kasama nila. Ako ang Panginoon na kanilang Diyos.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-