Pumili si Moises ng mga Hukom
13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom upang dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, "Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi."
15 Sumagot si Moises, "Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin upang malaman ang kalooban ng Diyos. 16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at kautusan ng Diyos."
17 Sinabi ni Jetro, "Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Diyos. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Diyos para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at kautusan ng Diyos. Turuan mo rin sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 At pumili ka sa taong-bayan ng mga lalaking may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga pinuno ng mga pangkat na binubuo ng isang libo, isang daan, limampu at sampung tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Diyos na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa."
24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga lalaking mayroong kakayahang mamuno at ginawa niya silang mga opisyal ng mga grupong binubuo ng isang libo, isang daan, limampu at sampung tao. 26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.
27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.