1 "Ito ang mga tuntuning ipapatupad mo sa mga Israelita:
Ang Pagtrato sa mga Alipin
2 "Kung bibili kayo ng mga aliping Hebreo, maglilingkod siya sa inyo sa loob ng anim na taon. Ngunit sa ikapitong taon, lalaya siya sa pagkaalipin niya na walang babayaran. 3 Kung wala siyang asawa nang nabili ninyo, lalaya siyang mag-isa. Ngunit kung may asawa siya nang nabili ninyo, lalaya rin ang kanyang asawa kasama niya. 4 Kung binigyan siya ng amo niya ng mapapangasawa at nagkaanak sila, lalaya siya sa ikapitong taon, pero ang asawa at ang mga anak niya ay maiiwan sa kanyang amo.
5 "Ngunit kung sasabihin ng alipin na minamahal niya ang kanyang amo, ang asawaʼt mga anak niya, at hindi niya gustong lumaya, 6 dadalhin siya ng amo niya sa harapan ng Diyos21:6 Diyos: O mga pinuno. doon sa may pintuan o hamba ng lugar na pinagsasambahan. Bubutasan ng amo niya ang isa sa tainga niya at magiging alipin siya ng amo niya magpakailanman.
7 "Kung ipagbibili ng isang tao ang anak niyang babae upang gawing alipin, hindi siya lalaya kagaya ng lalaking alipin. 8 Kung hindi masiyahan ang amo niyang pumili sa kanya para sa kanyang sarili, hayaan niya itong matubos. Wala siyang karapatang ipagbili ito sa mga dayuhan dahil hindi niya tinupad ang kanyang responsibilidad sa kanya. 9 Kung ibibigay ng amo niya ang aliping ito sa kanyang anak bilang asawa, kailangan niya itong ituring siya na anak na babae. 10 Kung gagawin niyang asawa ang alipin, at mag-aasawa pa siya ng iba pang babae, kailangang ipagpatuloy niya ang pagbibigay sa kanya ng mga pagkain at damit, at ang pagsiping sa kanya. 11 Kung hindi niya masusunod ang tatlong bagay na ito, papayagan niyang lumaya ang babae nang walang bayad.