9 "Palagyan ng bakuran ang Tabernakulo, at palibutan ito ng kurtina na gawa sa hinabing pinong lino. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikabit ang kurtina sa dalawampung haliging tanso na nakasuksok sa dalawampung patungang tanso. Ang pagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba. Ikabit din ito sa dalawampung haliging tanso na nakasuksok sa dalawampung patungang tanso. Ang pagkakabitan ng mga kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.
12 "Ang kurtina sa bandang kanluran ay may sukat na pitumpuʼt limang talampakan ang haba at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok sa sampung patungan. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay pitumpuʼt limang talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina rin ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay dalawampuʼt dalawa at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring patungan. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay dalawampuʼt dalawa at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit din ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring patungan.
16 "Para sa pintuan ng bakuran, palagyan mo ng tabing na tatlumpung talampakan ang haba na gawa sa lanang asul, ube at pula at hinabing pinong lino. At binurdahan ng mambuburda. Nakasabit ito sa apat na haligi na nakasuksok sa apat na patungan. 17 Kailangang may kawit at baras na pilak ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran, at kailangan ding may mga tansong patungan. 18 Ang haba ng bakuran ay 150 talampakan at ang lapad ay pitumpuʼt limang talampakan. Mayroon itong tabing na gawa sa hinabing pinong lino, na pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Ang mga patungan nitoʼy gawa sa tanso.