46 At dooʼy bumisita siyang muli sa Cana na sakop ng Galilea, sa bayan kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa kalapit na bayang Capernaum ay may isang opisyal ng pamahalaan na mayroong anak na lalaking may sakit. 47 Nang mabalitaan niyang bumalik si Hesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya si Hesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa Capernaum at pagalingin ang anak nitong nag-aagaw-buhay.
48 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Hanggaʼt hindi kayo nakakakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi kayo maniniwala sa akin."
49 Sumagot ang opisyal, "Panginoon, sumáma na po kayo sa akin bago mamatay ang anak ko."
50 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Puwede ka nang umuwi. Mabubuhay ang iyong anak."
Naniwala ang opisyal sa sinabi ni Hesus at umuwi siya. 51 Sa daan pa lang ay sinalubong na siya ng mga alipin niya at sinabi sa kanya na magaling na ang kanyang anak. 52 Kaya tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila, "Ala-una ng hapon po kahapon nang biglang mawala ang lagnat niya."
53 Naalala ng opisyal na sa oras ding iyon ay sinabi sa kanya ni Hesus, "Mabubuhay ang iyong anak." Kaya siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Hesus.
54 Ito ang ikalawang himala at tanda na ginawa ni Hesus sa Galilea pagkagaling niya sa Judea.