10 Isang Araw ng Pamamahinga, habang nagtuturo si Hesus sa isa sa mga sinagoga, 11 may isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdaman dahil sa ginawa sa kanya ng masamang espiritu. Baluktot ang katawan niya at hindi siya makatayo nang tuwid. 12 Nang makita siya ni Hesus, tinawag siya at sinabi, "Babae, malaya ka na sa sakit mo." 13 Pagkatapos, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Diyos.
14 Ngunit nagalit ang namumuno sa sinagoga dahil nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pamamahinga, kayaʼt sinabi niya sa mga tao, "May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga."
15 Sinagot siya ng Panginoon, "Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? 16 Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? Labingwalong taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga."
17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Hesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.