Pular para o conteúdo
Publicidade

Lucas 5

Ang mga Unang Alagad ni Hesus

1 Isang araw, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea,5:1 Lawa ng Galilea: O Lawa ng Genesaret. at nagsisiksikan sa kanya ang napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos. 2 May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin. Nakababa na sa bangka ang mga mangingisda at naghuhugas na ng mga lambat nila. 3 Sumakay siya sa bangkang pag-aari ni Simon at nakiusap dito na itulak iyon nang kaunti sa tubig. Naupo si Hesus sa bangka at nagturo sa mga tao.

4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, "Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo."

5 Sumagot si Simon, "Guro, magdamag po kaming nangisda pero wala kaming nahuli. Ngunit dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ulit ang mga lambat."

6 Nang magawa na nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda hanggang sa halos masira na ang kanilang mga lambat. 7 Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasama na nasa isa pang bangka para magpatulong. Tinulungan sila ng mga ito at napuno nila ng isda ang dalawang bangka, hanggang sa halos lumubog na sila.

8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at sinabi, "Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, dahil makasalanan ako." 9 Namangha siyaʼt natakot, pati ang mga kasamahan niya dahil sa dami ng nahuli nila, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon.

"Huwag kang matakot," sabi ni Hesus kay Simon. "Mula ngayon, hindi na isda ang huhulihin mo kundi mga tao na." 11 Nang maidaong na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.

Veja também