21 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng pinuno ng Israel at sinabi, "Pumili kayo ng isang batang tupa o kambing para sa pamilya ninyo at katayin ito upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 22 Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. 23 Dahil dadaan ang Panginoon sa Ehipto upang patayin ang mga panganay na lalaking mga Ehipsiyo. Ngunit kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.