Publicidade

Gênesis 20

Si Abraham at si Abimelec

1 Umalis sina Abraham sa Mamre at pumunta sa Negeb. Doon sila tumira sa kalagitnaan ng Kades at Shur. Hindi nagtagal, lumipat sila sa Gerar. 2 Habang naroon sila, ang pakilala ni Abraham kay Sara sa mga tao ay kapatid niya ito. Kaya ipinakuha si Sara ni Haring Abimelec ng Gerar.

3 Isang gabi, nagpakita ang Diyos kay Abimelec sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi niya, "Mamamatay ka dahil kinuha mo ang babaeng iyan na may asawa na."

4 Ngunit dahil hindi pa nagagalaw ni Abimelec si Sara, sinabi niya, "Panginoon, papatayin nʼyo po ba ang bayang wala namang kasalanan? 5 Sinabi po kasi ni Abraham na kapatid niya si Sara at sinabi rin ni Sara na kapatid niya si Abraham. Inosente po ako at wala akong masamang balak sa pagkuha kay Sara."

6 Sinabi pa sa kanya ng Diyos sa panaginip, "Oo, alam kong wala kang masamang balak, kaya hindi ko ipinahintulot na magalaw mo siya upang hindi ka magkasala sa akin. 7 Ngunit dapat mo siyang ibalik sa asawa niya dahil ang asawa niya ay isang propeta, at ipapanalangin ka niya upang hindi ka mamatay. Ngunit kapag hindi mo siya naibalik, binabalaan kita na mamamatay ka pati ang lahat ng tauhan mo."

8 Kinabukasan, maagang ipinatawag ni Abimelec ang lahat ng opisyal niya at sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang panaginip. At labis silang natakot. 9 Pagkatapos, ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, "Ano ang ginawa mong ito sa amin? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo na inilagay mo sa kapahamakan ang buong kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo. 10 Bakit mo ito ginawa?"

11 Sumagot si Abraham, "Akala ko po wala ni isa man dito na gumagalang sa Diyos, kaya naisip ko na baka patayin nʼyo ako para makuha nʼyo ang asawa ko. 12 Totoo po na magkapatid kami, ngunit sa ama lang at hindi sa ina; at napangasawa ko po siya. 13 Nang sinabihan po ako ng Diyos na umalis sa tahanan ng aking ama, sinabi ko kay Sara na ipakilala niya na magkapatid kami kahit saan kami pumunta. Sa ganito pong paraan, maipapakita niya ang pagmamahal niya sa akin."

14 Ibinalik ni Abimelec si Sara kay Abraham, at binigyan pa niya si Abraham ng mga tupa, baka, at mga aliping babae at lalaki. 15 Pagkatapos, sinabi niya kay Abraham, "Payag akong patirahin kayo sa aking lupain. Tumira kayo kahit saan ninyo gusto."

16 Sinabi rin niya kay Sara, "Bibigyan ko ang kapatid mo ng 1,000 pirasong pilak bilang katibayan sa lahat ng kasamahan ninyo na hindi kita nagalaw at upang hindi sila mag-isip na nakagawa ka ng masama."

17 At nanalangin si Abraham sa Diyos, at pinagaling ng Diyos si Abimelec, ang kanyang asawa at ang kanyang mga aliping babae upang muli silang magkaanak, 18 sapagkat ginawang baog Panginoon ang lahat ng mga babae sa sambahayan ni Abimelec dahil sa pagkuha niya kay Sara na asawa ni Abraham.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-