Publicidade

Gênesis 23

Ang Pagkamatay ni Sara

1 Nabuhay si Sara ng 127 taon. 2 Namatay siya sa Kiriat-arba (na tinatawag ding Hebron) sa lupain ng Canaan. Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay niya.

3 Ngayon, iniwan muna ni Abraham ang bangkay ng kanyang asawa at nakipagkita siya sa mga Heteo at sinabi sa kanila, 4 "Akoʼy isang dayuhan at nakikitira lang sa inyo, kaya pagbilhan sana ninyo ako ng lupa na maaari kong paglibingan ng aking asawa."

5 Sumagot ang mga Heteo kay Abraham, 6 "Panginoon ko, makinig po muna kayo sa sasabihin namin. Kilala namin kayo bilang isang dakilang pinuno, kaya ilibing ninyo ang inyong asawa sa pinakamagandang libingan namin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa inyo ng kanyang libingan upang mailibing ninyo ang inyong asawa."

7 Yumukod agad si Abraham sa harapan ng mga Heteo. 8 Pagkatapos, sinabi niya, "Kung payag kayo na dito ko ilibing ang asawa ko, tulungan nʼyo ako na kausapin si Efron na anak ni Zohar 9 upang ibenta niya sa akin ang kuweba niya na nasa tabi ng bukid niya sa Macpela. Sabihin ninyo sa kanya na babayaran ko siya sa tamang halaga rito mismo sa harapan ninyo upang maging akin ito at gawing libingan."

10 Naroon din si Efron na nakaupo kasama ng mga kababayan niyang Heteo. Kaya sumagot siya kay Abraham na naririnig ng lahat ng Heteo na nagtitipon doon sa pintuan ng lungsod. 11 Sinabi niya, "Hindi po, panginoon ko. Pakinggan nʼyo ako, sa harap ng mga kababayan ko ay ibinibigay ko sa iyo ang buong bukirin pati na ang kuweba. Kaya maaari mo nang ilibing ang asawa mo."

12 Muling yumukod si Abraham sa harapan ng mga Heteo. 13 Kaya sinabi niya kay Efron sa pandinig ng lahat, "Makinig kayo sa akin. Babayaran ko ang halaga ng bukirin. Tanggapin mo ang bayad ko upang mailibing ko na doon ang asawa ko."

14 Sumagot si Efron kay Abraham, 15 "Panginoon ko, ang lupa ay nagkakahalaga ng apatnaraang pirasong pilak. Ngunit ano naman iyon sa ating dalawa? Sige, ilibing mo na ang iyong asawa."

16 Pumayag si Abraham sa halagang sinabi ni Efron. Kaya nagkilo siya ng apatnaraang pirasong pilak ayon sa bigat na pinagbabasehan noon ng mga mangangalakal at ibinayad niya ito kay Efron sa harap ng mga Heteo.

17 Kaya inilipat ang bukid na iyon ni Efron sa Macpela, sa silangan ng Mamre, pati na ang kuweba at ang mga punongkahoy sa paligid ng bukid 18 kay Abraham bilang kanyang pag-aari. Saksi ang lahat ng mga Heteo na nagtipon doon sa pintuan ng lungsod. 19 Inilibing agad ni Abraham si Sara sa kuwebang nasa bukid ng Macpela, na sakop ng lupain ng Canaan. Ang Macpela ay malapit sa Mamre na siyang Hebron. 20 Kaya ang bukid pati ang kuweba, na dating pagmamay-ari ng mga Heteo ay naging kay Abraham na at ginawa niya itong libingan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-