1 Kaya ipinatawag ni Isaac si Jacob. Pagdating niya, binasbasan niya ito at inutusan, "Huwag kang mag-aasawa ng taga-Canaan. 2 Maghanda ka at pumunta sa Padan-aram, doon sa lolo mong si Betuel na ama ng iyong ina. Doon ka pumili ng iyong mapapangasawa sa isa sa mga dalagang anak ni Laban na kapatid ng iyong ina. 3 Nawaʼy pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan at bigyan ka ng maraming anak upang maging ama ka ng maraming grupo ng tao. 4 Nawaʼy ibigay din sa iyo at sa mga lahi mo ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham, upang maging iyo ang lupaing ito na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ang lupaing ito ay ibinigay ng Diyos kay Abraham." 5 Agad na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan-aram, sa lugar ni Laban na anak ni Betuel na Arameo. Si Laban ay kapatid ni Rebeca na ina nina Jacob at Esau.
6 Nalaman ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob at pinapunta sa Padan-aram upang doon maghanap ng mapapangasawa. Nalaman din niya na binasbasan ni Isaac si Jacob, inutusan niya ito na huwag mag-asawa ng taga-Canaan. 7 At nalaman din niyang sumunod si Jacob sa magulang nila at pumunta sa Padan-aram. 8 Dito napagtanto ni Esau na ayaw ng kanyang ama ang mga babaeng taga-Canaan. 9 Kaya pumunta siya sa tiyuhin niyang si Ismael na anak ni Abraham at napangasawa si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ismael, bukod pa sa dalawang naging asawa niya.
10 Umalis si Jacob sa Beer-seba at lumakad papuntang Haran. 11 Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya. 12 Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya na akyat-baba ang mga anghel ng Diyos sa hagdan. 13 Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan at sinabi sa kanya, "Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan. 14 Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 15 Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo."
16 Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, "Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito." 17 Natakot siya at sinabi, "Kakila-kilabot ang lugar na ito! Tiyak na tahanan ito ng Diyos at ito ang pintuan ng langit."
18 Maagang bumangon si Jacob. Kinuha niya ang batong inunan niya noong gabi at itinayo bilang isang alaala. Pagkatapos, binuhusan niya ito ng langis. 19 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel. Dati ay Luz ang pangalan ng lugar na iyon.
20 Sumumpa si Jacob na nagsabi, "Kung sasamahan po ninyo ako, aking Diyos, at babantayan ako sa aking paglalakbay, at bibigyan din ako ng pagkain at damit, 21 hanggang sa makakabalik po akong muli sa bahay ng aking ama nang matiwasay, kikilalanin ko po kayo, Panginoon, na aking Diyos. 22 Ang bato pong ito na itinayo ko bilang isang alaala ay magpapatunay ng inyong presensya sa lugar na ito. At ibibigay ko po sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ibibigay nʼyo sa akin."