Publicidade

Gênesis 9

Ang Kasunduan ng Diyos kay Noe

1 Binasbasan ng Diyos si Noe at ang mga anak niya at sinabi, "Magkaroon kayo ng mga anak upang dumami at kumalat kayo sa buong mundo. 2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga naglalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. 3 Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.

4 "Ngunit huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. 5 Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.

6 Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa

ay papatayin din ng kanyang kapwa.

Sapagkat ang tao

ay ginawa ng Diyos na kawangis niya.

7 Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak upang dumami at kumalat kayo sa buong mundo."

8 Sinabi pa ng Diyos kay Noe at sa mga anak niya, 9 "Itinatakda ko ngayon ang kasunduan ko sa inyo at sa mga lahi ninyo, 10 at sa bawat nilalang na kasama ninyo sa barko: ang mga ibon, mga hayop na maaamo at maiiilap, lahat ng kasama ninyong lumabas sa barko, at sa bawat nilalang sa lupa. 11 Ito ang itinatakda kong kasunduan sa inyo: Hindi ko na muling lilipulin ang lahat ng may buhay sa pamamagitan ng baha. At hindi na muling magkakaroon ng baha na lilipol sa daigdig."

12 At sinabi pa ng Diyos, "Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng nilalang na kasama ninyo, at sa lahat ng susunod pang mga henerasyon, 13 inilagay ko ang aking bahaghari sa mga ulap, at ito ang magiging palatandaan ng aking kasunduan sa inyo. 14 Sa tuwing gagawin kong maulap ang langit at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko agad ang kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng uri ng nilalang, na hindi ko na lilipuling muli sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng may buhay sa mundo."

17 Kaya sinabi ng Diyos kay Noe, "Ang bahaghari ang siyang palatandaan ng kasunduan ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo."

Ang mga Anak ni Noe

18 Ito ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko: sina Shem, Ham at Jafet. (Si Ham ang ama ni Canaan.) 19 Sila ang mga anak ni Noe at sa kanilang tatlo nagmula ang lahat ng mga tao sa mundo.

20 Pagkatapos ng baha, nagpatuloy si Noe sa pagsasaka at nagkaroon siya ng ubasan. 21 Isang araw, uminom siya ng alak, at nalasing. Nakatulog siyang hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Ngayon, si Ham na ama ni Canaan ay pumasok sa tolda, at nakita niyang hubad ang kanyang ama. Kaya lumabas siya at sinabi ito sa dalawa niyang kapatid. 23 Kumuha sina Shem at Jafet ng damit at inilagay sa balikat nila, pagkatapos, lumakad sila nang patalikod papasok sa tolda upang takpan ang kanilang ama. Hindi sila lumingon dahil ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama.

24 Nang mahimasmasan na si Noe sa kanyang kalasingan, at nalaman kung ano ang ginawa ng bunsong anak niya, 25 sinabi niya,

"Sumpain ka Canaan!

Maghihirap ka at magiging pinakaabang alipin

ng iyong mga kapatid."

26 At sinabi rin niya,

"Purihin ang Panginoon, ang Diyos ni Shem.

Nawaʼy maging alipin ni Shem si Canaan.

27 Nawaʼy palawakin ng Diyos

ang lupain ni Jafet,

at maging mabuti ang pagsasama

ng mga lahi niya

at ng mga lahi ni Shem.

At nawaʼy maging alipin din

ni Jafet si Canaan."

28 Nabuhay pa si Noe nang 350 taon pagkatapos ng baha. 29 Namatay siya sa edad na 950.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-