1 Matandang matanda na si Abraham at pinagpala siya ng Panginoon sa lahat ng bagay. 2 Isang araw, kinausap niya ang tagapamahalang alipin niya na nag-aasikaso ng lahat ng ari-arian niya, "Ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng aking dalawang hita, 3 at sumumpa ka sa akin sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng langit at ng lupa, na hindi ka kukuha ng mapapangasawa ng anak ko sa mga anak ng mga Cananeo, na kasama nating naninirahan dito. 4 Pumunta ka sa lugar na pinanggalingan ko, at doon ka sa mga kamag-anak ko pumili ng babaeng mapapangasawa ng anak kong si Isaac."
5 Ngunit nagtanong ang alipin, "Paano po kung ayaw sumáma ng babae sa lugar na ito? Dadalhin ko na lang po ba si Isaac doon?"
6 Sumagot si Abraham, "Huwag mong dalhin si Isaac doon! 7 Dinala ako rito ng Panginoon, ang Diyos ng langit, mula sa sambahayan ng aking ama, sa lugar kung saan ako isinilang. At sumumpa siya na ibibigay niya ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi ko. Kaya lumakad ka dahil magpapadala ang Panginoon ng anghel niya na sasáma sa iyo upang makakita ka roon ng mapapangasawa ng anak ko. 8 Kapag hindi sumáma sa iyo ang babae, wala kang pananagutan sa pagsumpa mong ito sa akin. Ngunit huwag mong dadalhin doon ang anak ko." 9 Kaya inilagay ng alipin ang kamay niya sa pagitan ng dalawang hita ni Abraham na kanyang amo, at sumumpa siya na susundin ang iniutos sa kanya.
10 Pagkatapos, kumuha ang alipin ng sampung kamelyo at mga mamahaling regalo mula sa amo niyang si Abraham. Lumakad siya agad papunta sa Aram-naharaim, ang bayan na tinitirhan ni Nahor. 11 Pagdating ng alipin sa bayan, pinaluhod niya ang mga kamelyo malapit sa balon sa labas ng bayan. Dapit-hapon noon at oras na ng pag-igib ng mga kababaihan.
12 Nanalangin ang alipin, "Panginoon, Diyos ng aking among si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita ninyo ang inyong kabutihan sa aking amo. 13 Nakatayo po ako sa tabi ng balon habang umiigib ang mga babae sa bayan na ito. 14 Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa aking amo."
15 Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeca na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeca ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham. 16 Magandang dalaga si Rebeca at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya upang umuwi.
17 Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, "Puwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang."
18 Sumagot si Rebeca, "Sige, Ginoo, uminom po kayo." Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.
19 Pagkatapos niyang painumin ang alipin, sinabi niya, "Iigib naman ako para sa mga kamelyo mo hanggang sa makainom silang lahat." 20 Dali-dali niyang ibinuhos ang tubig sa inuman ng mga hayop at bumalik siya sa balon upang muling umigib. At patuloy siya sa pag-igib hanggang sa makainom ang lahat ng kamelyo. 21 Habang nakamasid ang alipin kay Rebeca, iniisip niya kung iyon na ang sagot ng Panginoon sa panalangin niya sa pagpunta niya sa lugar na iyon.
22 Pagkatapos uminom ng mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang gintong singsing na ang bigat ay anim na gramo. Inilabas din niya ang dalawang pulseras na ginto na ang bigat ay mga 115 gramo at ibinigay kay Rebeca. 23 Pagkatapos, nagtanong siya kay Rebeca, "Kanino kang anak? May lugar pa ba sa inyo na maaari naming matulugan ngayong gabi?"
24 Sumagot si Rebeca, "Anak po ako ni Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca. 25 May matutulugan kayo roon sa amin, at marami ring dayami at pagkain para sa mga kamelyo ninyo."
26 Yumukod agad ang alipin at sumamba sa Panginoon. 27 Sinabi niya, "Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng aking amo na si Abraham. Ipinakita niya ang kanyang kabutihan sa aking amo. Ako mismo ay ginabayan niya sa pagpunta ko sa mga kamag-anak ng aking amo."
28 Patakbong umuwi si Rebeca sa bahay ng kanyang ina at sinabi niya sa kanila ang lahat ng nangyari. 29 May kapatid na lalaki si Rebeca na nagngangalang Laban. Tumakbo siya papunta sa balon upang puntahan ang taong sinasabi ni Rebeca. 30 Noong nakita ni Laban ang singsing at pulseras na suot-suot ni Rebeca at narinig ang salaysay niya tungkol sa mga sinabi ng lalaki, pinuntahan niya ito at nakita niya itong nakatayo sa tabi ng mga kamelyo sa balon. 31 Sinabi ni Laban sa kanya, "Kayo pala ang taong pinagpala ng Panginoon. Bakit pa kayo nakatayo lang diyan? Halikayo sa bahay, dahil inihanda ko na ang silid para sa iyo at ang lugar para sa mga kamelyo ninyo."
32 Sumama ang alipin kay Laban. Pagdating nila sa bahay, ibinaba ni Laban ang mga karga ng mga kamelyo at binigyan niya agad ang mga kamelyo ng dayami at pagkain. Dinalhan din niya ng tubig ang alipin at ang mga kasama nito, upang makapaghugas sila ng paa. 33 Nang mabigyan na sila ng pagkain, sinabi ng alipin, "Hindi ako kakain hanggaʼt hindi ko pa nasasabi ang pakay ko sa pagpunta ko rito."
Sumagot si Laban, "Sige, sabihin nʼyo po sa amin."
34 Sinabi niya, "Alipin ako ni Abraham. 35 Pinagpala ng Panginoon ang aking amo at napakayaman na niya ngayon. Binigyan siya ng Panginoon ng maraming tupa, kambing, baka, kamelyo, asno, pilak, ginto at mga aliping lalaki at babae. 36 Kahit matanda na ang asawa niyang si Sara, nagkaanak pa rin siya. At ang anak nilang lalaki ang siyang magmamana ng lahat ng ari-arian niya. 37 Pinasumpa ako ng aking amo upang tuparin ko ang kanyang utos. Sinabi niya, ‘Huwag kang kukuha ng mapapangasawa ng anak ko sa mga anak ng mga Cananeo, na nakatira rito sa lupaing tinitirhan natin ngayon. 38 Pumunta ka sa tahanan ng aking ama, at doon ka sa mga kamag-anak ko pumili ng mapapangasawa ng aking anak.’
39 "Ngunit nagtanong ako, ‘Paano po kung hindi sumáma ang babae sa akin?’
40 "Sumagot siya, ‘Ang Panginoon na sinusunod ko ay magpapadala ng anghel niya para samahan ka na mamagitan sa anak ko. Makakakita ka ng mapapangasawa ng anak ko mula sa aking mga kamag-anak, sa sambahayan ng aking ama. 41 Kung doon ka pupunta sa mga kamag-anak ko, hindi darating sa iyo ang kasamaang sinasabi ko na mangyayari kung hindi mo tutuparin ang ating sumpaan, kahit hindi nila pasamahin ang babae sa iyo.’
42 "Kaya pagdating ko kanina sa balon, nanalangin ako. Sinabi ko, ‘Panginoon, Diyos ng aking among si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita ninyo ang inyong kabutihan sa aking amo. 43 Ngayon po, nakatayo ako rito sa tabi ng balon. Kung may darating po na dalagang iigib ng tubig, hihingi ako ng kaunting tubig sa kanyang banga. 44 Kung papayag po siya na painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili nʼyo na maging asawa ng anak ng aking amo.’
45 "Hindi pa nga ako natatapos sa aking pananalangin, dumating si Rebeca na may pasan-pasan na banga sa kanyang balikat. Bumaba siya papunta sa balon at umigib. Sinabi ko sa kanya, ‘Puwede mo ba akong painumin?’
46 "Ibinaba niya agad ang banga mula sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Sige, uminom po kayo, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo ninyo.’ Kaya uminom ako at pinainom din niya ang mga kamelyo ko.
47 "Pagkatapos, tinanong ko siya kung kanino siyang anak.
"Sumagot siya, ‘Kay Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca.’ At nilagyan ko ng singsing ang ilong niya at sinuotan ng mga pulseras ang kanyang braso. 48 Yumukod ako agad at sumamba sa Panginoon. Nagpuri ako sa Panginoon, ang Diyos ng amo kong si Abraham. Siya ang gumagabay sa akin sa tamang lugar, kung saan nakita ko ang anak ng kamag-anak ng aking amo upang maging asawa ng kanyang anak.
49 "Ngayon, gusto kong malaman kung papayag kayo sa gusto ng amo ko bilang pagpapakita ng kabutihan at katapatan nʼyo sa kanya. Sabihin nʼyo na po agad upang malaman ko rin kung ano ang gagawin ko."
50 Sumagot sina Laban at Betuel, "Dahil ito ay kalooban ng Panginoon, wala na kaming masasabi. 51 Narito si Rebeca, isama nʼyo siya sa inyong pag-uwi upang maging asawa ng anak ng inyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon."
52 Pagkarinig noon ng alipin, nagpatirapa siya sa harapan ng Panginoon. 53 Inilabas niya agad ang dala niyang mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, at ibinigay kay Rebeca. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid at ang ina ni Rebeca. 54 Pagkatapos, kumain ang alipin at ang mga kasama niya. Doon sila natulog nang gabing iyon.
Paggising nila kinaumagahan, sinabi ng alipin, "Uuwi na ako sa amo ko."
55 Ngunit sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeca, "Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeca sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo."
56 Ngunit sinabi ng alipin, "Huwag nʼyo naman akong pagtagalin dito. Namagitan na ang Panginoon sa pakay ko sa pagpunta rito, kaya pabalikin nʼyo na ako sa amo ko."
57 Sumagot sila, "Tawagin muna natin si Rebeca at tanungin kung ano ang pasya niya." 58 Kaya tinawag nila si Rebeca at tinanong, "Gusto mo bang sumáma sa kanya ngayon?"
Sumagot si Rebeca, "Oo, sasáma ako."
59 Kaya ipinasama nila si Rebeca pati ang tagapag-alaga niya, sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito. 60 Binasbasan nila si Rebeca sa kanyang pag-alis. Sinabi nila,
"Kapatid, nawaʼy manggaling sa iyo
ang maraming lahi.
Nawaʼy sakupin ng mga lahi mo
ang mga siyudad ng kanilang mga kaaway."
61 Nang handa na ang lahat, sumakay si Rebeca at ang mga aliping babae niya sa mga kamelyo, at sumunod sila sa alipin ni Abraham.
62 Ngayon, si Isaac ay nakatira sa Negeb at kararating lang galing sa Beer-lahai-roi. 63 Isang araw, nang magtatakip-silim na, lumabas si Isaac at naglakad-lakad sa kanilang bukirin. May nakita siyang mga kamelyo na papalapit. 64 Nang makita ni Rebeca si Isaac, bumaba siya sa kanyang kamelyo 65 at nagtanong sa alipin ni Abraham, "Sino ang taong iyon na naglalakad sa bukid papalapit sa atin?"
Sumagot ang alipin, "Siya ang aking amo." Kaya tinakpan ni Rebeca ang kanyang mukha ng belo.
66 Sinabi ng alipin kay Isaac ang lahat ng ginawa niya. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeca sa toldang tinitirhan noon ng kanyang inang si Sara. Naging asawa niya si Rebeca at mahal na mahal niya ito. Kaya naibsan ang kalungkutan ni Isaac na dulot ng pagkamatay ng kanyang ina.