Publicidade

Gênesis 32

Naghanda si Jacob sa Pakikipagkita kay Esau

1 Habang naglalakbay sina Jacob, sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 Pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya, "Mga sundalo ito ng Diyos." Kaya pinangalanan niya ang lugar na iyon na Mahanaim.

3 May mga isinugo si Jacob na nauna sa kanya sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, ang bayang tinatawag ding Edom. 4 Inutusan niya sila: "Ito ang sasabihin ninyo kay Esau na aking panginoon: ‘Ang inyong lingkod na si Jacob ay matagal na nanirahan kay Laban at nanatili siya roon hanggang ngayon. 5 At mayroon na po siyang mga baka, asno, tupa, kambing, at mga aliping lalaki at babae. Isinugo po niya kami para sabihin ito sa inyo upang malugod po kayo sa kanya.’ "

6 Pagbalik ng mga sugong inutusan ni Jacob, sinabi nila, "Napuntahan na po namin ang inyong kapatid na si Esau, at papunta na po siya rito para salubungin kayo. May kasama siyang apatnaraang lalaki."

7 Kinabahan si Jacob at hindi siya mapalagay, kaya hinati niya sa dalawang grupo ang mga kasamahan niya pati ang kanyang mga tupa, baka, kambing at kamelyo. 8 Dahil naisip niya na kung sakaling dumating si Esau at lusubin ang isang grupo, makakatakas pa ang isang grupo.

9 Nanalangin si Jacob, "Diyos ng aking lolo na si Abraham at Diyos ng aking ama na si Isaac, kayo po, Panginoon, ang nagsabi sa akin na bumalik ako sa mga kamag-anak ko, doon po sa lupain kung saan ako isinilang, at pagpapalain ninyo ako. 10 Hindi po ako karapat-dapat tumanggap ng lahat ng kabutihan at katapatan na ipinakita ninyo sa akin na inyong lingkod. Sapagkat nang tumawid ako noon sa Jordan, wala po akong ibang dala kundi tungkod lang, ngunit ngayon ay may dalawa na po akong grupo. 11 Hinihiling ko po sa inyo na iligtas nʼyo ako sa kapatid kong si Esau. Natatakot po ako na baka pumunta siya rito at patayin kaming lahat pati na ang mga asawa koʼt mga anak nila. 12 Ngunit nangako po kayo sa akin na pagpapalain nʼyo ako at pararamihin nʼyo ang aking mga lahi katulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi mabilang."

13 Kinagabihan, doon natulog sina Jacob. Kinabukasan, pumili si Jacob ng mga hayop na ireregalo kay Esau: 14 dalawandaang babaeng kambing at dalawampung lalaking kambing, dalawandaang babaeng tupa at dalawampung lalaking tupa, 15 tatlumpung inahing kamelyo kasama pa ang kanilang mga bisiro, apatnapung babaeng baka at sampung toro, dalawampung babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ginawang dalawang grupo ni Jacob ang mga hayop, at ang bawat grupo ay may aliping nagbabantay. Sinabihan niya ang kanyang mga alipin, "Mauna kayo sa akin, at lumakad kayo na may pagitan ang bawat grupo."

17 Sinabihan niya ang mga aliping nagbabantay sa naunang grupo, "Kung makasalubong nʼyo si Esau at magtanong siya kung kanino kayong alipin at kung saan kayo pupunta, at kung kanino ang mga hayop na dala ninyo, 18 sagutin ninyo ang aking panginoong si Esau na akin ang mga hayop na ito at regalo ko ang mga ito sa kanya. Sabihin din ninyo na akoʼy nakasunod sa inyo."

19 Ganoon din ang sinabi niya sa ikalawa, sa ikatlo at sa lahat ng aliping kasabay ng mga kawan. 20 At pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag kalimutang sabihin kay Esau na nakasunod siya sa hulihan. Sapagkat sinabi ni Jacob sa kanyang sarili, "Aalukin ko si Esau ng mga regalong pinauna ko. At kung magkikita kami, baka sakaling tatanggapin niya ako." 21 Kaya pinauna niya ang mga regalo niya, ngunit nagpaiwan siya noong gabing iyon doon sa tinutuluyan nila.

Nakipagbuno si Jacob sa Diyos

22 Nang gabing iyon, bumangon si Jacob at isinama ang dalawa niyang asawa, ang dalawang alipin niyang babae at ang labing-isang anak niya, at pinatawid sila sa Ilog ng Jaboc. 23 Ipinatawid din ni Jacob ang lahat ng ari-arian niya. 24 Nang nag-iisa na siya, may dumating na isang lalaki at nakipagbuno sa kanya. Nagbunuan sila hanggang mag-uumaga. 25 Nang mapansin niya na hindi niya matatalo si Jacob, pinisil niya ang balakang ni Jacob at nalinsad ang magkatapat na buto nito. 26 At sinabi ng lalaki, "Bitawan mo na ako dahil mag-uumaga na."

Ngunit sumagot si Jacob, "Hindi kita bibitawan hanggaʼt hindi mo ako babasbasan."

27 Nagtanong ang lalaki sa kanya, "Anong pangalan mo?"

Sumagot siya, "Jacob."

28 Sinabi ng lalaki, "Simula ngayon hindi na Jacob ang pangalan mo kundi Israel dahil nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay."

29 Nagtanong din si Jacob sa kanya, "Sabihin mo rin sa akin ang pangalan mo."

Ngunit sumagot ang lalaki, "Huwag mo nang itanong ang pangalan ko." Pagkatapos, binasbasan niya si Jacob doon.

30 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel, dahil sinabi niya, "Nakita ko ang mukha ng Diyos ngunit buháy pa rin ako."

31 Sumisikat na ang araw nang umalis si Jacob sa Peniel. Pipilay-pilay siya dahil nalinsad ang buto niya sa balakang. 32 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ang mga Israelita ay hindi kumakain ng litid sa magkatapat na buto sa balakang ng hayop. Sapagkat sa bahaging iyon pinisil ng Diyos si Jacob.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-