Publicidade

Gênesis 40

Ang Tagasilbi ng Alak at ang Panadero

1 Pagkatapos ng mga nangyaring ito, nagkasala sa hari ng Ehipto ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at pinuno ng mga panadero. 2 Lubhang nagalit ang hari sa dalawa niyang opisyal na ito. 3 Kaya ipinabilanggo niya ang mga ito sa bahay ng kapitan ng mga guwardiya sa palasyo kung saan naroon din si Jose nakabilanggo. 4 Si Jose ang naatasang katiwala ng kapitan ng mga guwardiya na naglingkod sa kanila.

Nang matagal na silang nagkasama sa bilangguan, 5 parehong nanaginip ang tagasilbi ng alak at ang panadero ng hari ng Ehipto. Ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan.

6 Kinaumagahan, pagpunta ni Jose sa kanila, nakita niyang nanlulupaypay sila. 7 Kaya tinanong niya sila, "Bakit kayo malungkot?"

8 Sumagot sila, "Nanaginip kasi kami ngunit walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito."

Sinabi ni Jose, "Ang Diyos ang nagbibigay ng kaalaman sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip. Sige, sabihin nʼyo sa akin kung ano ang mga panaginip ninyo."

9 Kaya sinabi ng pinuno ng tagasilbi ng alak ang kanyang panaginip. Sinabi niya, "Nanaginip ako na may isang puno ng ubas sa aking harapan 10 at itoʼy may tatlong sanga. Tumubo ito, namulaklak, at nahinog ang mga bunga. 11 Nakahawak daw ako sa saro ng Faraon at pumitas ng ubas, at piniga ko agad sa saro. Pagkatapos, ibinigay ko ang saro sa hari."

12 Sinabi ni Jose, "Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong sanga ay nangangahulugan ng tatlong araw. 13 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan at pababalikin ka sa trabaho mo bilang tagasilbi ng kanyang alak. 14 Nawaʼy alalahanin mo ako kapag nasa mabuti ka nang kalagayan. At bilang pagpapakita ng kabutihan mo sa akin, banggitin mo rin ako sa Faraon upang matulungan mo akong makalabas sa bilangguan. 15 Sapagkat ang totoo, sapilitan lang akong dinala rito mula sa lupain ng mga Hebreo, at kahit dito ay wala rin akong nagawang kasalanan upang ibilanggo ako."

16 Nang marinig ng pinuno ng mga panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip, isinalaysay din niya ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, "Nanaginip din ako na may dala-dala ako sa ulo ko na tatlong kaing na may mga laman na tinapay. 17 Ang ibabaw ng kaing ay may laman na ibaʼt ibang uri ng tinapay para sa Faraon, ngunit tinuka ito ng mga ibon."

18 Sinabi ni Jose, "Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong kaing ay nangangahulugan ng tatlong araw. 19 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan ngunit ibibitin ang bangkay mo sa kahoy, at tutukain ito ng mga ibon."

20 Dumating ang ikatlong araw at ito ay kaarawan ng Faraon. Kaya nagpahanda siya para sa lahat ng opisyal niya. Pinalabas niya sa bilangguan ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at ang pinuno ng mga panadero niya, at pinaharap sa kanyang mga opisyal. 21 Ibinalik niya ang pinuno ng mga tagasilbi ng alak sa kanyang trabaho. 22 Ngunit ibinitin ang pinuno ng mga panadero, gaya ng sinabi ni Jose sa kanila.

23 Ngunit hindi naalala ng pinuno ng mga tagasilbi ng alak si Jose.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-