1 Lumala ang taggutom sa Canaan. 2 Naubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili nila sa Ehipto. Kaya inutusan ni Jacob ang mga anak niya, "Bumalik kayo roon sa Ehipto at bumili ng kahit kaunting pagkain."
3 Ngunit sumagot si Juda sa kanya, "Binalaan po kami ng gobernador na huwag na po kaming magpapakita sa kanya kung hindi po namin kasama ang aming bunsong kapatid. 4 Kung pasasamahin po ninyo siya sa amin babalik kami roon upang bumili ng pagkain. 5 Ngunit kung hindi po, hindi po kami pupunta dahil nga sa sinabi niya na huwag daw kaming magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang aming bunsong kapatid."
6 Sinabi ni Jacob, "Bakit binigyan nʼyo ako ng malaking problema? Bakit ipinagtapat nʼyo pa sa gobernador na may isa pa kayong kapatid?"
7 Sumagot sila, "Kasi po lagi niya kaming tinatanong tungkol sa pamilya natin. Nagtanong siya kung buháy pa ba ang aming ama at kung may iba pa po kaming kapatid. Kaya sinagot po namin siya. Hindi po namin inaasahan na sasabihin niya sa amin na dalhin namin sa kanya ang kapatid namin."
8 Kaya sinabi ni Juda sa kanilang ama, "Ama, pumayag na po kayo na isama namin si Benjamin upang makaalis na po kami agad upang hindi po tayo mamatay lahat sa gutom. 9 Igagarantiya ko po ang buhay ko para kay Benjamin. Singilin po ninyo ako kung anuman ang mangyari sa kanya. Kung hindi po siya makakabalik sa inyo nang buháy, sisihin po ninyo ako habambuhay. 10 Kung hindi po tayo nagsayang ng panahon, dalawang beses na sana kaming nakabalik."
11 Sinabi ng kanilang ama, "Kung ganoon ang makakabuti, sige payag na ako. Magdala kayo sa mga sisidlan ninyo ng pinakamagandang produkto rito sa ating lugar upang iregalo sa gobernador: kaunting balsamo at kaunting pulot-pukyutan, mga sangkap ng gamot at pabango, mga pistasyo at almendra. 12 Doblehin ninyo ang dala ninyong pera dahil dapat ninyong ibalik ang perang ibinalik sa mga sako ninyo. Baka nagkamali lang sila noon. 13 Isama ninyo ang kapatid ninyong si Benjamin at bumalik kayo agad sa gobernador. 14 Nawaʼy hipuin ng Diyos na Makapangyarihan ang puso ng gobernador upang mahabag siya sa inyo at ibalik niya sa inyo sina Simeon at Benjamin. Ngunit kung hindi sila makabalik, tatanggapin ko na lang nang maluwag sa kalooban ko."
15 Kaya nagdala ang magkakapatid ng mga regalo at dinoble rin nila ang dala nilang pera. Pagkatapos, umalis sila papuntang Ehipto kasama si Benjamin, at nakipagkita kay Jose. 16 Pagkakita ni Jose na kasama nila si Benjamin, inutusan niya ang tagapamahalang alipin, "Dalhin mo ang mga taong ito sa bahay. Magkatay ka ng hayop at magluto, dahil magtatanghalian sila kasama ko."
17 Sinunod ng tagapamahalang alipin ang utos sa kanya. Kaya dinala niya ang magkakapatid sa bahay ni Jose. 18 Natakot ang magkakapatid nang dinala sila sa bahay ni Jose dahil inisip nila, "Baka dinala tayo rito dahil sa perang ibinalik sa mga sako natin noong una nating pagparito. Baka dakpin nila tayo, at kunin ang mga asno natin at gawin tayong mga alipin."
19 Kaya nakipag-usap sila sa tagapamahalang alipin habang nasa pintuan pa lang sila ng bahay. 20 Sinabi nila, "Ginoo, sandali lang po, may sasabihin lang po kami sa inyo. Pumunta po kami rito noon upang bumili ng pagkain. 21 Nang papauwi na po kami, nagpalipas kami ng gabi sa isang lugar. At doon namin binuksan ang mga sako namin at nakita po namin sa loob ang perang ibinayad namin. Narito, ibinabalik na po namin. 22 Nagdala pa po kami ng karagdagang pera upang bumili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa mga sako namin."
23 Sumagot ang tagapamahalang alipin, "Walang anuman iyon, huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos, na Diyos din ng inyong ama, ang siya sigurong naglagay ng perang iyon sa mga sako ninyo. Natanggap ko ang bayad nʼyo noon." Pagkatapos, dinala niya si Simeon sa kanila.
24 Pinapasok ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid sa bahay ni Jose at binigyan ng tubig upang makapaghugas sila ng kanilang mga paa. Binigyan din niya ng pagkain ang kanilang mga asno. 25 Inihanda ng magkakapatid ang mga regalo nila kay Jose habang hinihintay nila ang pag-uwi nito. Sapagkat sinabihan sila na doon magtanghalian sa bahay ni Jose.
26 Pagdating ni Jose, nagpatirapa sila sa kanyang harapan at ibinigay nila ang kanilang mga regalo. 27 Kinumusta sila ni Jose. Pagkatapos, nagtanong din siya, "Kumusta ang ama ninyong matanda na, na binanggit nʼyo noon sa akin? Buháy pa ba siya?"
28 Sumagot sila, "Buháy pa po si ama at mabuti pa naman po siya." Pagkatapos, nagpatirapa silang muli sa kanyang harapan.
29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin na kapatid niyang buo, sinabi niya, "Ito ba ang bunsong kapatid ninyo na ikinuwento nʼyo noon sa akin?" Sinabi niya agad kay Benjamin, "Nawaʼy pagpalain ka ng Diyos." 30 Pagkatapos, mabilis na lumabas si Jose dahil naiiyak na siya sa pangungulila sa kapatid niya. Pumasok siya sa kanyang silid at doon umiyak.
31 Pagkatapos, naghilamos siya at bumalik sa kanila na pinipigil ang kanyang nararamdaman. At nag-utos siya na ihanda na ang pagkain.
32 Iba ang mesa na kinainan ni Jose, iba rin ang kinainan ng kanyang mga kapatid, at iba rin ang sa mga Ehipsiyong doon din nananghalian. Sapagkat hindi kumakain ang mga Ehipsiyo na kasama ang mga Hebreo sa isang mesa, dahil kasuklam-suklam iyon para sa kanila. 33 Nakaharap kay Jose ang mesang inuupuan ng kanyang mga kapatid. Nagtitinginan ang magkakapatid dahil nagtaka sila na magkakasunod ang pagkakaupo nila sa mesa mula sa panganay hanggang sa bunso. 34 Hinainan sila ng pagkain na galing sa mesa ni Jose ngunit ang ibinigay kay Benjamin na pagkain ay limang beses ang dami kaysa sa iba. Nagsikain sila at nagsiinom kasama si Jose.