Ang Batang si Hesus sa Templo
41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Hesus sa Jerusalem upang dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel.2:41 Pista ng Paglampas ng Anghel: Tingnan sa Exo. 12:1-30 kung paano nagsimula ang pistang ito. 42 Nang labindalawang taóng gulang na si Hesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, ngunit nagpaiwan ang batang si Hesus sa Jerusalem nang hindi namamalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy lang sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Hesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nilang wala si Hesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya doon. 46 At sa ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang pang-unawa at sa kanyang mga sagot. 48 Nang matagpuan siya roon ng kanyang mga magulang, nagtaka sila. Tinanong siya ng kanyang ina, "Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!"
49 Sumagot si Hesus, "Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?" 50 Subalit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
51 Umuwi si Hesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay isinapuso ng kanyang ina. 52 Patuloy na lumaki si Hesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Diyos at ng mga tao.