23 Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, "Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. 24 Kung mayroon po kayang limampung matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod alang-alang sa limampung taong matuwid? 25 Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?"
26 Sumagot ang Panginoon, "Kung may makita akong limampung matuwid sa Sodoma, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila."
27 Muling nagsalita si Abraham, "O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo. 28 Ngunit kung mayroon po kayang apatnapuʼt limang matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?"
Sumagot ang Panginoon, "Kung may makita akong apatnapuʼt limang matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod."
29 Muling nagsalita si Abraham, "Kung apatnapu lang po kaya ang matuwid?"
Sumagot ang Panginoon, "Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa apatnapung matuwid."
30 Muling nagsalita si Abraham, "Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may tatlumpu lang na taong matuwid?"
Sumagot ang Panginoon, "Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong tatlumpung taong matuwid."
31 Muling nagsalita si Abraham, "Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may dalawampu lang na taong matuwid?"
Sumagot ang Panginoon, "Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa dalawampung matuwid."
32 Muling nagsalita si Abraham, "Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?"
Sumagot ang Panginoon, "Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid."
33 Pagkatapos nilang mag-usap, umalis ang Panginoon at si Abraham ay umuwi naman sa kanila.