8 Nang lumamig na ang hangin bandang hapon, narinig nila na naglalakad ang Panginoong Diyos sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon upang hindi sila makita. 9 Ngunit tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki, "Nasaan ka?"
10 Sumagot ang lalaki, "Narinig ko po kayo sa halamanan, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako."
11 Nagtanong ang Panginoong Diyos, "Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?"
12 Sumagot ang lalaki, "Ang babae po kasi na ibinigay nʼyo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko."
13 Tinanong ng Panginoong Diyos ang babae, "Bakit mo ginawa iyon?"
Sumagot ang babae, "Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako."