Ang Kasamaan ng Tao
1 Hindi nagtagal, dumami ang mga tao sa mundo, at marami silang mga anak na babae. 2 Nakita ng mga lalaking anak ng Diyos6:2 mga lalaking anak ng Diyos: O mga anghel o mga pinuno o lahi ni Set. na ang mga babae ay magaganda. Kaya pumili sila ng magiging asawa nila sa sinumang maibigan nila. 3 Ngayon, sinabi ng Panginoon, "Hindi ko papayagang mabuhay ang tao nang matagal dahil silaʼy tao lamang. Kaya mula ngayon, ang tao ay mabubuhay nang hindi hihigit sa 120 taon."
4 Nang panahong iyon, at kahit pagkatapos noon, may mga higante na nakatira sa lupa. Sila ang lahi ng mga lalaking anak ng Diyos na nakipagtalik sa mga anak na babae ng tao. Silaʼy makapangyarihan at kilalang tao noong unang panahon.
5 Nang makita ng Panginoon na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masama, 6 nagsisi ang Panginoon kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya. 7 Kaya sinabi ng Panginoon, "Lilipulin ko ang lahat ng taong nilikha ko sa buong lupain. At lilipulin ko rin ang lahat ng hayop sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad, dahil nanghihinayang ako sa paglikha sa kanila." 8 Ngunit may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe.
Si Noe at ang Baha
9 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.
Si Noe ay makadiyos. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapít ang kanyang relasyon sa Diyos.