Si Isaac at Abimelec
1 Dumating ang taggutom sa lugar na tinitirhan ni Isaac, bukod pa ito sa taggutom na nangyari noong panahon ni Abraham. Kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo sa Gerar. 2 Nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, "Huwag kang pupunta sa Ehipto; manatili ka sa lugar na ituturo ko sa iyo. 3 Dito ka muna manirahan dahil sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lahat ng lupaing ito. Tutuparin ko ang ipinangako ko sa iyong amang si Abraham. 4 Pararamihin ko ang mga lahi mo na kasindami ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa kanila ang lahat ng lupaing ito. At sa pamamagitan nila, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 5 Gagawin ko ito dahil sumunod si Abraham sa akin, at tinupad niya ang lahat ng ibinilin ko, kasama ang aking mga kautusan, mga tuntunin, at mga batas." 6 Kaya roon nanirahan si Isaac sa Gerar.
7 Kapag may nagtatanong kay Isaac na taga-Gerar tungkol sa kanyang asawa, sinasabi niyang kapatid niya si Rebeca. Maganda si Rebeca, kaya natatakot siyang sabihing asawa niya ito dahil baka siyaʼy patayin nila para makuha si Rebeca.
8 Matagal-tagal na ang pananatili nina Isaac doon sa Gerar. At isang araw, nagkataon na dumungaw sa bintana si Abimelec na hari ng mga Filisteo at nakita niyang naglalambingan sina Isaac at Rebeca.