Pag-asa sa Darating na Mesias
1 Subalit hindi mananatili ang kadiliman sa mga naghihinagpis magpakailanman. Noong unaʼy hinamak niya ang lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, ngunit sa darating na araw ay pararangalan niya ang dinadaanan patungo sa lawa, ang lupain sa ibayo ng Ilog Jordan, ang Galilea na lugar ng mga Hentil.
2 Ang mga taong nabubuhay sa kadiliman
ay nakakita
ng matinding kaliwanagan.
Kahit silaʼy nababalot
ng matinding kadiliman,
sila ay maliliwanagan.
3 Panginoon, pinalawak ninyo
ang kanilang bansa
at silaʼy nag-uumapaw sa tuwa.
Nagagalak sila sa inyong harapan
katulad ng mga taong nagagalak
sa panahon ng anihan,
katulad ng mga mandirigmang nagdiriwang
sa paghahati-hati nila
ng mga nasamsam.
4 Binali ninyo ang pamatok
na naging pabigat,
ang tungkod sa kanilang balikat,
ang pamalo ng kanilang mang-aapi
katulad noong nalupig ang Midian.9:4 katulad noong nalupig ang Midian: Tungkol ito sa tagumpay ni Gideon laban sa bansang Midian. (Hukom 7–8).
5 Ang mga bota ng mga sundalo
at ang mga uniporme nilang
tigmak ng dugo
ay susunugin bilang panggatong sa apoy.
6 Ipapanganak ang isang batang lalaki
na maghahari sa amin.
Tatawagin siyang,
"Kahanga-hangang Tagapayo,
Diyos na Makapangyarihan,
Walang Hanggang Ama,
at Prinsipe ng Kapayapaan."