Ang Habag ng Diyos
1 "Lumapit kayo,
kayong lahat na nauuhaw,
lumapit kayo sa tubig!
Kahit wala kayong pera,
lumapit kayo at kumain!
Halikayo, kumuha kayo ng inumin
at gatas ng walang bayad!
2 Bakit ninyo ginugugol
ang inyong mga salapi
sa mga bagay na hindi makakain?
Bakit nʼyo inuubos ang inyong suweldo
sa mga bagay
na hindi makakapagpabusog sa inyo?
Makinig kayo sa akin
at makakakain kayo
ng mga masasarap na pagkain,
at talagang mabubusog kayo.
3 Lumapit kayo sa akin at kayoʼy makinig
upang inyong matagpuan ang buhay.
Gagawa ako ng walang hanggang
kasunduan sa inyo.
Ipapadama ko sa inyo
ang pag-ibig koʼt awa
na aking ipinangako kay David.
4 Gagamitin ko siya upang ipakita
ang aking kapangyarihan
sa mga bansa.
Gagawin ko siyang pinuno nila.
5 Tatawagin ninyo
ang mga bansang hindi ninyo kasama,
at magmamadali silang lalapit sa inyo,
dahil ako, ang Panginoon na inyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel,
ang nagbigay sa inyo ng karangalan."
6 Lumapit na kayo sa Panginoon
at tumawag sa kanya
habang naririyan pa siya
para tulungan kayo.