1 Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2 Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito,
magkakaroon ka ng karunungan,
maitutuwid ang iyong ugali
at iyong mauunawaan
ang mga aral na sa iyoʼy
magbibigay karunungan.
3 Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka,
dahil itinuturo nito ang matuwid
na paraan ng pamumuhay,
mabuting pag-uugali, paggawa ng tama,
at pagiging makatarungan.
4 Makapagbibigay ito ng karunungan
sa mga walang kaalaman
at sa kabataaʼy magtuturo
ng tamang pagpapasya.