13 Isang araw, habang kumakain at umiinom ng alak ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay, 14 dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, "Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan, 15 bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo!"
16 Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, "Tinamaan po ng apoy ng Diyos ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo!"
17 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, "Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo!"
18 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, "Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid, 19 bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo!"