Awit na pagpapasalamat.
1 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.
2 Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon;
Magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.
3 Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios;
Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya:
Tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.
4 Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat,
At sa kaniyang looban na may pagpupuri:
Mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.
5 Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man;
At ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.