1 Dinggin mo ang aking daing, Oh Dios;
Pakinggan mo ang aking dalangin.
2 Mula sa wakas ng lupa ay tatawag ako sa iyo, pagka nanglupaypay ang aking puso:
Patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kay sa akin.
3 Sapagka't ikaw ay naging aking kanlungan,
Matibay na moog sa kaaway.
4 Ako'y tatahan sa iyong tabernakulo magpakailan man:
Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak. (Selah)
5 Sapagka't dininig mo, Oh Dios, ang aking mga panata: Ibinigay mo ang mana sa nangatatakot sa iyong pangalan.
6 Iyong pahahabain ang buhay ng hari:
Ang kaniyang mga taon ay magiging parang malaong panahon.
7 Siya'y tatahan sa harap ng Dios magpakailan man: Oh maghanda ka ng kagandahang-loob at katotohanan, upang mapalagi siya.
8 Sa gayo'y aawit ako ng pagpuri sa iyong pangalan magpakailan man.
Upang maisagawa ko araw-araw ang aking mga panata.