Ang mamamayan sa banal na Bundok. Awit ni David.
1 Panginoon, sinong makapanunuluyan sa iyong tabernakulo?
Sinong tatahan sa iyong banal na bundok?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
At nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.
3 Siyang hindi naninirang puri ng kaniyang dila,
Ni gumagawa man ng kasamaan sa kaniyang kaibigan,
Ni dumudusta man sa kaniyang kapuwa.
4 Na sa mga mata niya ay nasisiphayo ang masama;
Kundi siyang nagbibigay puri sa mga natatakot sa Panginoon,
Siyang sumusumpa sa kaniyang sariling ikasasama at hindi nagbabago,
5 Siyang hindi naglalabas ng kaniyang salapi sa patubo, Ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi makikilos kailan man.