1 Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion:
At sa iyo'y maisasagawa ang panata.
2 Oh ikaw na dumidinig ng dalangin,
Sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin:
Tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo,
Upang siya'y makatahan sa iyong mga looban:
Kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
Ng iyong banal na templo.
5 Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay,
Oh Dios ng aming kaligtasan;
Ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa,
At nila na malayo sa dagat:
6 Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan;
Palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan:
7 Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat,
Ng hugong ng kanilang mga alon,
At ng kaingay ng mga bayan.
8 Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda:
Ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim.
9 Iyong dinadalaw ang lupa, at dinidilig mo,
Iyong pinayayamang mainam;
Ang ilog ng Dios ay puno ng tubig:
Iyong pinagtataanan sila ng trigo, pagka't inihanda mo ang lupa.
10 Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana;
Iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal;
Iyong mga pinalalambot ng ambon;
Iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon.
11 Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan;
At ang iyong mga landas ay pumapatak ng katabaan.
12 Nagsisipatak sa mga pastulan sa ilang;
At ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan.
13 Ang mga pastulan ay nangabihisan ng mga kawan;
Ang mga libis naman ay nangatatakpan ng trigo;
Sila'y magsisihiyaw sa kagalakan, sila naman ay nagsisiawit.