1 Purihin ninyo ang Panginoon.
Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.
2 Samantalang ako'y nabubuhay ay pupurihin ko ang Panginoon:
Ako'y aawit ng mga pagpuri sa aking Dios, samantalang ako'y may buhay.
3 Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo,
Ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo.
4 Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa;
Sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.
5 Maginhawa ang may pinaka saklolo sa Dios ni Jacob,
Na ang pagasa ay nasa Panginoon niyang Dios:
6 Na gumawa ng langit at lupa,
Ng dagat, at ng lahat na nandoon;
Na nagiingat ng katotohanan magpakailan man:
7 Na nagsasagawa ng kahatulan sa napipighati;
Na nagbibigay ng pagkain sa gutom:
Pinawawalan ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 Idinidilat ng Panginoon ang mga mata ng bulag;
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nasusubasob;
Iniibig ng Panginoon ang matuwid;
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa;
Kaniyang inaalalayan ang ulila at babaing bao;
Nguni't ang lakad ng masama ay kaniyang ibinabaligtad.
10 Maghahari ang Panginoon magpakailan man.
Ang iyong Dios, Oh Sion, sa lahat ng sali't saling lahi.
Purihin ninyo ang Panginoon.