Publicidade

Salmos 5

Panalangin upang ipag-adya sa masama. Sa Pangulong manunugtog; pati ng Nehiloth. Awit ni David.

1 Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon,

Pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.

2 Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko;

Sapagka't sa Iyo'y dumadalangin ako.

3 Oh Panginoon, sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig;

Sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.

4 Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan:

Ang masama ay hindi tatahang kasama mo.

5 Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin:

Iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.

6 Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan:

Kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,

7 Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay;

Sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.

8 Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway;

Patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.

9 Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig;

Ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan;

Ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan;

Sila'y nanganunuya ng kanilang dila.

10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios;

Ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo:

Palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang;

Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo,

11 Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo,

Pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila:

Mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.

12 Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid;

Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-