1 Purihin ninyo ang Panginoon.
Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
Na naliligayang mainam sa kaniyang mga utos.
2 Ang kaniyang binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
Ang lahi ng matuwid ay magiging mapalad.
3 Kaginhawahan at kayamanan ay nasa kaniyang bahay:
At ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
4 Sa matuwid ay bumabangon ang liwanag sa kadiliman:
Siya'y mapagbiyaya at puspos ng kahabagan, at matuwid.
5 Ang ikabubuti ng taong mapagbiyaya at nagpapahiram,
Kaniyang aalalayan ang kaniyang usap sa kahatulan.
6 Sapagka't siya'y hindi makikilos magpakailan man;
Ang matuwid ay maaalaalang walang hanggan.
7 Siya'y hindi matatakot sa mga masamang balita:
Ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon.
8 Ang kaniyang puso ay natatag, siya'y hindi matatakot,
Hanggang sa kaniyang makita ang nasa niya sa kaniyang mga kaaway.
9 Kaniyang pinanabog, kaniyang ibinigay sa mapagkailangan;
Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man,
Ang kaniyang sungay ay matataas na may karangalan.
10 Makikita ng masama, at mamamanglaw;
Siya'y magngangalit ng kaniyang mga ngipin, at matutunaw:
Ang nasa ng masama ay mapaparam.