Publicidade

Salmos 8

Ang kaluwalhatian ng Panginoon at ang karangalan ng tao. Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Gittith. Awit ni David.

1 Oh Panginoon, aming Panginoon,

Pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa!

Na siyang naglagay ng inyong kaluwalhatian sa mga langit.

2 Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong itinatag ang kalakasan,

Dahil sa iyong mga kaaway,

Upang iyong patahimikin ang kaaway at ang manghihiganti.

3 Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri,

Ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos;

4 Ano ang tao upang iyong alalahanin siya?

At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?

5 Sapagka't iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa Dios,

At pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.

6 Iyong pinapagtataglay siya ng kapangyarihan sa mga gawa ng iyong mga kamay;

Iyong inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa:

7 Lahat na tupa at baka,

Oo, at ang mga hayop sa parang;

8 Ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,

Anomang nagdaraan sa mga kalaliman ng mga dagat.

9 Oh Panginoon, aming Panginoon,

Pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-