Publicidade

Salmos 28

Panalangin upang tulungan, at Papuri dahil sa sagot. Awit ni David.

1 Sa iyo, Oh Panginoon, tatawag ako;

Bato ko, huwag kang magpakabingi sa akin:

Baka kung ikaw ay tumahimik sa akin,

Ako'y maging gaya nila na bumaba sa hukay.

2 Dinggin mo ang tinig ng aking mga pananaing, pagka ako'y dumadaing sa iyo,

Pagka aking iginagawad ang aking mga kamay sa dako ng banal na sanggunian sa iyo.

3 Huwag mo akong agawin na kasama ng mga masama,

At ng mga manggagawa ng kasamaan;

Na nangagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapuwa,

Nguni't kasamaan ay nasa kanilang mga puso.

4 Bigyan mo sila ng ayon sa kanilang gawa, at ng ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain:

Gantihin mo sila ng ayon sa kilos ng kanilang mga kamay.

Bayaran mo sila ng ukol sa kanila,

5 Sapagka't ayaw nilang pakundanganan ang mga gawa ng Panginoon,

Ni ang kilos man ng kaniyang mga kamay,

Kaniyang ibabagsak sila, at hindi sila itatayo.

6 Purihin ang Panginoon,

Sapagka't dininig niya ang tinig ng aking mga pananaing.

7 Ang Panginoon ay aking kalakasan at aking kalasag;

Ang aking puso ay tumiwala sa kaniya, at ako'y nasaklolohan:

Kaya't ang aking puso ay nagagalak na mainam;

At aking pupurihin siya ng aking awit.

8 Ang Panginoon ay kanilang kalakasan,

At siya'y kuta ng kaligtasan sa kaniyang pinahiran ng langis.

9 Iligtas mo ang iyong bayan, at pagpalain mo ang iyong pamana:

Naging pastor ka rin naman nila, at alalayan mo sila magpakailan man.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-