1 Ang Dios ay tumatayo sa kapisanan ng Dios;
Siya'y humahatol sa gitna ng mga dios.
2 Hanggang kailan magsisihatol kayo ng kalikuan,
At magsisigalang sa mga pagkatao ng masama? (Selah)
3 Hatulan mo ang dukha at ulila:
Gawan mo ng kaganapan ang napipighati at walang nagkakandili.
4 Sagipin mo ang dukha at mapagkailangan:
Iligtas ninyo sila sa kamay ng masama,
5 Hindi nila nalalaman, ni nauunawa man;
Sila'y nagsisilakad na paroo't parito sa kadiliman:
Lahat ng patibayan ng lupa ay nangakilos.
6 Aking sinabi, Kayo'y mga dios,
At kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan.
7 Gayon ma'y mangamamatay kayong parang mga tao,
At mangabubuwal na parang isa sa mga pangulo.
8 Bumangon ka, O Dios, hatulan mo ang lupa:
Sapagka't iyong mamanahin ang lahat ng mga bansa.