Publicidade

Salmos 51

Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David: nang si #2 Sam. 12:1; 11:1-4, etc. Nathan na propeta, ay dumating sa kaniya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Bath-seba.

1 Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob:

Ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.

2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,

At linisin mo ako sa aking kasalanan.

3 Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang:

At ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.

4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,

At nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin:

Upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka,

At maging malinis pag humahatol ka.

5 Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan;

At sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,

6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap;

At sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.

7 Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis:

Hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.

8 Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan;

Upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.

9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,

At pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.

10 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios;

At magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.

11 Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan;

At huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.

12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas:

At alalayan ako ng kusang espiritu.

13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad;

At ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa iyo.

14 Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan;

At ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.

15 Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi;

At ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.

16 Sapagka't hindi ka nalulugod sa hain; na kung dili ay bibigyan kita:

Wala kang kaluguran sa handog na susunugin.

17 Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob:

Isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.

18 Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion:

Itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.

19 Kung magkagayo'y malulugod ka sa mga hain ng katuwiran,

Sa handog na susunugin at sa handog na susunuging buo:

Kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_12-43-22-